MANILA, Philippines – Hiniling ng kampo ni dating Pangulong Rodrigo Duterte sa International Criminal Court (ICC) na isaalang-alang ang kulturang Bisaya at Cebuano sa pagsusuri sa mga pagmumura at umano’y pagbabanta nito kaugnay ng kampanya kontra droga.
Sa pinalawak na bahagi ng kanilang pre-trial brief, binigyang-diin ng depensa ang konsepto ng “bugalbugal,” na inilalarawan bilang nakaugaliang paraan ng pagbibiro, panunukso, pangungutya at paggamit ng mga salitang hindi literal ang kahulugan.
Ayon kay lead defense counsel Peter Haynes, nakadepende sa konteksto at ugnayan ng nagsasalita at nakikinig ang tunay na kahulugan ng ganitong pananalita. Aniya, ang mga salitang maaaring magmukhang pagbabanta kapag inihiwalay sa konteksto ay maaari ring ituring na biro o pangungutya sa loob ng isang partikular na kultura.
Partikular na iginiit ng depensa na hindi dapat agad unawain bilang literal na banta ng pagpatay ang mga pahayag ni Duterte na “Papatayin kita” o “I will kill you.”
Sinabi ni Haynes na kailangang suriin ng mga mahistrado kung paano nauunawaan ng mismong mga tagapakinig ni Duterte ang kanyang mga pahayag, sa halip na umasa lamang sa literal na kahulugan ng mga salita.
Binanggit din ng depensa ang ilang pag-aaral tungkol sa katatawanang Cebuano na tumatalakay sa paggamit ng eksaherasyon, malabong pagpapahayag at mga salitang may ibang kahulugan depende sa sitwasyon.
Ayon pa kay Haynes, may mga opisyal na transcript ng mga talumpati ni Duterte na nagpapakita ng pagtawa ng mga tagapakinig kasunod ng kanyang mga pahayag na tila pagbabanta.
Giit ng depensa, maaaring nagpapakita ang mga reaksiyong ito na nauunawaan ng ilang tagapakinig ang naturang pananalita bilang eksaherasyon o bahagi ng istilo ng dating pangulo sa pakikipag-usap sa publiko.
Bukod dito, iginiit ng mga abogado na sadyang bumuo si Duterte ng imahe bilang isang “bugoy” o matapang na lider upang takutin at pigilan ang mga sangkot sa ilegal na droga.
Inilarawan din nila ang kanyang istilo ng pananalita bilang “paternalistic cussing,” o paggamit ng masasakit at mapanuyang salita upang magpahayag ng awtoridad, pagsaway o pagdidisiplina.
Kinuwestiyon din ng depensa ang paraan ng pagbanggit ng prosekusyon sa mga kontrobersiyal na pahayag ng dating pangulo, na anila’y nakatuon lamang sa mga bahaging tila naghihikayat ng karahasan at hindi isinasaalang-alang ang iba pang pahayag na nagtatakda umano ng limitasyon sa paggamit ng puwersa.
Iginiit din ng kampo ni Duterte na hindi nangangahulugan ng walang habas na pagpatay ang salitang “neutralization,” kundi isang hakbang na dapat isagawa alinsunod sa mga legal na limitasyon.
Gayunman, mahalagang bahagi ng paglilitis ang pagsusuri kung paano ginamit at ipinatupad ang mga naturang salita at patakaran sa aktuwal na operasyon ng mga pulis.
Nauna nang iginiit ng dating abogado ni Duterte na si Nicholas Kaufman na tumutukoy sa “lawful restraint” o legal na pagpigil ang terminong “neutralization.”
Samantala, sinabi ng prosekusyon ng ICC na kabilang sa kanilang listahan ng mga testigo ang mga insider na maaaring magbigay-linaw kung paano inuunawa at ipinapatupad ng mga pulis ang naturang mga direktiba.
Nakatakdang simulan sa Nobyembre 30 ang paglilitis kay Duterte sa ICC Trial Chamber III kaugnay ng mga kasong crimes against humanity na isinampa laban sa kanya. Dave Medina