Home HOME BANNER STORY Cayetano kumambyo, P170K ambag sa utang ng Pinas, para lang sa mayayamang...

Cayetano kumambyo, P170K ambag sa utang ng Pinas, para lang sa mayayamang Pinoy

1
0

MANILA, Philippines — Nilinaw ni Senate Minority Leader Alan Peter Cayetano na ang kanyang mungkahing P170,000 kontribusyon para makatulong sa pagbabayad ng utang ng Pilipinas ay boluntaryo at pangunahing nakatuon sa pinakamayayamang Pilipino, hindi sa mga ordinaryong mamamayan.

Sa plenary deliberation ng Senado sa panukalang badyet ng Department of National Defense (DND) nitong Biyernes, Nobyembre 27, sinabi ni Cayetano na mali umano ang interpretasyon ng ilan sa kanyang naunang mungkahi.

“What I actually said, if those who are able, the richest in the Philippines and the most generous, want to pay their P170,000, wouldn’t it be helpful?” ani Cayetano.

Ayon sa senador, kung ang pinakamayamang isang porsiyento ng populasyon ng Pilipinas ay boluntaryong mag-aambag ng tig-P170,000, posibleng makalikom ng halos P200 bilyon para makatulong sa pagbabayad ng pambansang utang.

“Ang magbibigay ‘yung richest of the rich na gusto, kusa, at generous,” giit niya.

Nauna nang iminungkahi ni Cayetano sa deliberasyon ng 2027 national budget noong Nobyembre 23 ang paglikha ng mekanismo upang makapagbigay ng boluntaryong kontribusyon ang mga Pilipinong nais tumulong sa pagbabayad ng utang ng pamahalaan.

Batay sa kanyang pagkalkula, katumbas ng humigit-kumulang P170,598 bawat Pilipino ang P19.66-trilyong utang ng pambansang pamahalaan noong ikatlong quarter ng 2026.

Umani ng mga puna ang naturang mungkahi dahil sa pangambang madaragdagan ang pasanin ng mga mamamayan na nahihirapan na sa araw-araw na gastusin.

Kinuwestiyon din ni Cayetano ang ilang komentaryo sa media, na aniya ay hindi nakapagbigay ng wastong konteksto sa kanyang panukala.

Samantala, bilang tugon sa mga naghahamon na siya ang unang magbigay ng P170,000, sinabi ng senador na nauna na niyang inalok ang kanyang kontribusyon.

Sa ngayon, nananatiling mungkahi ang boluntaryong ambagan at wala pang batas na nag-aatas sa mga Pilipino na magbigay ng naturang halaga para sa pambansang utang. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here