Home HOME BANNER STORY VP Duterte iginiit na ‘di magbibitiw sa puwesto sa gitna ng impeachment...

VP Duterte iginiit na ‘di magbibitiw sa puwesto sa gitna ng impeachment case

1
0

MANILA, Philippines — Nanindigan si Vice President Sara Duterte na hindi siya magbibitiw sa puwesto sa kabila ng kinakaharap na impeachment trial sa Senado, habang naghahanda na ang kanyang tanggapan sa posibleng epekto ng magiging hatol ng impeachment court.

Sa press conference nitong Biyernes, Nobyembre 27, sinabi ni Duterte na hindi niya isinasaalang-alang ang pagbibitiw dahil itinuturing niya itong pagtataksil sa 32.2 milyong Pilipinong bumoto sa kanya noong 2022 national elections.

“No, sir. Resignation, that is out of the question. I already answered that several times during the course of the trial,” ani Duterte.

“It is something that I cannot do because I feel that it’s a betrayal of the 32.2 million people who voted for me, and of course the general public, if I resign from the position of Vice President,” dagdag niya.

Ayon sa Bise Presidente, naghahanda na sila ng kanyang defense team sa pinakamabigat na posibleng resulta ng paglilitis, kabilang ang pagkakatanggal niya sa puwesto sakaling mahatulang guilty.

Sinabi niyang pangunahing inaalala ng kanyang tanggapan ang posibleng pagkawala ng trabaho ng mga kawani sa Office of the Vice President (OVP).

Tinatayang 300 pamilya ng mga empleyado sa iba’t ibang OVP satellite office sa bansa ang maaaring maapektuhan dahil nakatali sa kanyang panunungkulan ang kanilang mga trabaho.

“Because the satellite offices are coterminous to me as Vice President. So that is our first worry, the jobs of those OVP employees who are coterminous,” paliwanag ni Duterte.

Pinaghahandaan din umano niya ang posibleng paglilipat ng mga kawani mula sa OVP headquarters sa Mandaluyong City sakaling maging guilty ang hatol sa kanya.

Gayunman, kung mapawalang-sala, sinabi ni Duterte na magpapatuloy ang mga programa at proyekto ng OVP para sa 2027, depende sa magiging alokasyon ng kanilang badyet.

Sa kabila ng kanyang mga pangamba, tiniyak ng Bise Presidente na tatanggapin niya ang anumang magiging desisyon ng Senate Impeachment Court.

Kasalukuyang nakatuon ang paglilitis sa Article II ng impeachment case, na may kaugnayan sa mga alegasyon ng unexplained wealth, hindi umano wastong pagdedeklara ng mga ari-arian sa Statement of Assets, Liabilities and Net Worth (SALN), at usapin ng pag-aalis ng interes sa mga negosyo.

Nauna nang binawi ng prosecution panel ang tatlo pang impeachment articles upang ituon ang paglilitis sa natitirang sakdal.

Samantala, muling iniugnay ni Duterte ang kinakaharap na impeachment proceedings kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr., bagaman paulit-ulit nang itinanggi ng Malacañang na nakikialam ang Pangulo sa proseso.

Nakatakdang ipagpatuloy ang impeachment trial sa Disyembre 1, habang hinihintay ang magiging pinal na hatol ng Senado. RNT

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here