Home TOP STORIES Pinakamalalim na ebidensiya ng explosive volcanic eruption sa mundo, natuklasan sa Mariana...

Pinakamalalim na ebidensiya ng explosive volcanic eruption sa mundo, natuklasan sa Mariana Trench

1
0

MANILA, Philippines – Natuklasan ng isang international team ng mga marine geologist ang ebidensiya ng pinakamalalim na naitalang explosive volcanic eruption sa mundo, sa lalim na hanggang 6,500 metro o halos apat na milya sa ilalim ng kanlurang bahagi ng Pacific Ocean.

Gumamit ang mga mananaliksik ng remotely operated vehicle (ROV) na Jason/Medea upang suriin ang mga pader ng Mariana Trench, isa sa pinakamalalim na lambak sa karagatan. Kabilang sa kanilang pinag-aralan ang lugar malapit sa Challenger Deep, ang pinakamalalim na kilalang bahagi ng seabed sa mundo.

Nakakuha ang ROV ng mga pyroclastic rock na nagsisilbing ebidensiya ng pagsabog ng bulkan. Binubuo ang mga batong ito ng mga piraso ng batong ibinuga at volcanic glass na pinagsama-sama ng mas pinong materyales.

Ayon kay geologist Robert Stern, propesor emeritus sa University of Texas at Dallas at visiting researcher sa University of California, Los Angeles (UCLA), ang natuklasan ay nagpapakita ng kamakailang aktibidad ng bulkan malapit sa Mariana Trench.

Karaniwang natatagpuan ang pyroclastic rocks sa mga pagsabog ng bulkan sa lupa at mabababaw na bahagi ng karagatan, ngunit hindi pa ito naitatala sa ganitong kalalim na bahagi ng dagat.

Nabuo ang Mariana Trench dahil sa plate tectonics, o paggalaw ng malalaking tectonic plate sa ibabaw ng daigdig. Bahagi ito ng subduction zone kung saan lumulubog ang isang tectonic plate sa ilalim ng isa pa.

Karaniwang matatagpuan ang malalaking bulkan sa ibabaw ng subduction zone, nasa 200 hanggang 300 kilometro ang layo mula sa trench. Ngunit ang mga pyroclastic rock na natuklasan ng mga mananaliksik ay nasa mismong trench.

Sinuri ng ROV ang humigit-kumulang 550 kilometro ng forearc, isang estrukturang heolohikal na bahagi ng mas mataas na tectonic plate sa pagitan ng trench at hanay ng mga bulkan sa ilalim ng dagat.

Nagsagawa ang team ng 10 pagsisid gamit ang ROV. Pito rito ay sa forearc malapit sa Challenger Deep, habang tatlo naman sa mas mababaw na karagatan malapit sa Guam dahil sa kondisyon ng panahon.

Hindi pa natutukoy ang eksaktong edad ng mga batong nakolekta, bagama’t sinabi ni Stern na mukhang bago ang mga ito batay sa pamantayang heolohikal.

Patuloy pang pinag-aaralan ng mga eksperto kung paano naganap ang pagsabog sa ganitong kalalim na bahagi ng karagatan, kung saan napakataas ng presyon ng tubig at naiiba ang kondisyon kumpara sa pagsabog ng bulkan sa lupa o mababaw na tubig. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here