Home METRO Driver na nahulog mula sa ika-4t palapag ng parking building sa Makati,...

Driver na nahulog mula sa ika-4t palapag ng parking building sa Makati, reliever lamang

4
0

MAKATI CITY, Philippines – Reliever lamang umano ang 55-anyos na driver na nahulog kasama ang minamanehong sasakyan mula sa ikaapat na palapag ng parking building sa Jimenez Street, Barangay San Lorenzo, Makati City, ayon sa Southern Police District (SPD).

Sinabi ni SPD Public Information Officer PLt. Margaret Panaga na kinuha ng driver ang nakaparadang Toyota Vios bandang alas-11:46 ng umaga noong Huwebes, Nobyembre 26, upang sunduin ang isang tao.

Ayon kay Panaga, bago lamang ang biktima sa trabaho at hindi pamilyar sa pagmamaneho ng naturang sasakyan.

Iniimbestigahan din ng pulisya kung may dati nang karamdaman ang biktima at kung may pagkukulang sa mga safety measure ng parking building.

“Inaantay po natin ‘yung result nong autopsy para malaman po kung may health condition po itong victim, and inaalam din ‘yung regarding naman po sa parking facilities kasama din po ‘yan sa iniimbestigahan po kung may lapses din po ba sila sa mga safety measures,” paliwanag ni Panaga.

Batay sa paunang imbestigasyon, pababa sa driveway mula sa ikalimang palapag ang driver nang mawalan siya ng kontrol sa sasakyan matapos bumangga sa pader.

Tuluyan namang nahulog ang Toyota Vios mula sa ikaapat na palapag matapos nitong mabangga ang bollard ng parking building.

Nakikipag-ugnayan ang SPD sa Citadines Benavidez Makati, kung saan nakaparada ang sasakyan, upang alamin kung may naganap na kapabayaan.

Hiniling din ng pamilya ng biktima sa publiko na huwag nang ikalat ang video ng insidente.

“Nakiusap na po ‘yung family na hangga’t maaari huwag na po sanang mag-viral ‘yung insidente,” ani Panaga. RNT/MDS

LEAVE A REPLY

Please enter your comment!
Please enter your name here