BAGUIO CITY, Philippines – Naitala ng Cordillera region ang pagtaas ng kaso ng dengue, leptospirosis, pertussis o whooping cough, at COVID-19 ngayong taon, ayon sa Department of Health (DOH).
Batay sa datos na inilahad ni DOH-CAR Nurse V Victoria Malicdan sa Kapihan sa Baguio noong Nobyembre 17, umabot sa 11,941 ang kaso ng dengue mula Enero 4 hanggang Nobyembre 7, mas mataas ng 53 porsiyento kumpara sa 7,786 noong nakaraang taon.
Nakapagtala rin ng 27 nasawi sa 179 barangay na may clustered cases.
Tumaas naman ng 43 porsiyento ang kaso ng leptospirosis sa 392, habang umakyat ng 54 porsiyento ang pertussis sa 162 kaso. Nadagdagan din ng 49 porsiyento ang COVID-19 infections sa 276.
Sa Kalinga, pumalo sa 1,869 ang kaso ng dengue mula Enero 4 hanggang Oktubre 10, mas mataas ng 237 porsiyento kumpara sa 553 noong nakaraang taon. Limang nasawi ang naitala.
Pinakamaraming kaso ang naitala sa Tabuk City na may 1,019, sinundan ng Pinukpuk na may 310 at Pasil na may 161.
Tumaas din ng 245 porsiyento ang leptospirosis sa lalawigan, mula 20 kaso noong nakaraang taon ay naging 69 mula Enero 4 hanggang Agosto 22. Dalawa ang nasawi.
Nakapagtala ang Tabuk City ng 55 kaso, habang tig-apat naman sa Pinukpuk at Rizal.
Dahil dito, hinimok ng DOH ang publiko na sundin ang mga hakbang sa pag-iwas sa dengue, magsuot ng protective boots kapag nalalantad sa maruming tubig at iwasang lumusong sa baha.
Pinayuhan din ang mga magulang na tiyaking kumpleto ang bakuna ng kanilang mga anak, panatilihin ang wastong kalinisan at agad magpatingin sa doktor kapag nakararanas ng kakaibang sintomas.
Hinimok din ang mga komunidad na agad iulat ang mga pinaghihinalaang kaso upang maiwasan ang karagdagang pagkalat ng mga sakit. RNT/MDS