MANILA, Philippines – Nakikipag-ugnayan ang Department of Migrant Workers (DMW) sa Department of Foreign Affairs (DFA) upang matukoy ang kinaroroonan ng nasa 30 Pilipino na humihingi umano ng tulong sa isang kumakalat na video matapos madala sa mga teritoryo ng Ukraine na okupado ng Russia.
Ayon kay Sen. Risa Hontiveros, na-recruit ang mga Pilipino para sa janitorial at construction work ngunit sa halip ay pinagawa umano ng mga bunker.
Ibinahagi ni Hontiveros ang tungkol sa video sa plenary deliberations ng panukalang 2027 budget ng DMW nitong Biyernes.
“May kumakalat ngayon na video sa social media na humigit kumulang 30 Pilipino … humihingi ng tulong para makauwi mula sa Russian-occupied territories ng Ukraine. Ayon sa kanila, na-recruit sila para sa janitorial at construction work pero napunta sa paggawa ng mga bunker,” ani Hontiveros.
Sinabi naman ni Sen. Joel Villanueva, sponsor ng budget ng DMW, na nakikipagtulungan na ang ahensiya sa mga kaugnay na enforcement agency at embahada upang mahanap ang mga manggagawa.
“We were told, Mr. President, that right now, the department is working closely with enforcement agencies, ang ating Department of Foreign Affairs, to locate at hanapin itong mga workers na ito. They are reaching out to relevant embassies, including security agencies,” ani Villanueva.
Sa hiwalay na pahayag sa social media, nagpahayag din ng pagkabahala si Sen. Raffy Tulfo sa viral video at sinabing posibleng na-traffick ang mga Pilipino at sapilitang isinailalim sa military training.
Sa pulong nitong Biyernes, kinumpirma ni DMW Secretary Hans Leo Cacdac kay Tulfo na nakikipag-ugnayan ang kanilang ahensiya sa DFA at Department of National Defense (DND) upang beripikahin ang lokasyon at kalagayan ng mga Pilipino at maisagawa ang kanilang pagsagip.
Sinisiyasat din ng mga kaugnay na ahensiya kung may mga mersenaryong nasa likod ng umano’y recruitment scheme.
Ayon kay Pajarito, may mga hindi pa beripikadong ulat tungkol sa mga nasawi sa grupo na patuloy nilang kinukumpirma.
Samantala, nakikipag-ugnayan ang DMW at DFA upang maabot ang mga biktima, habang tinutunton naman ng staff ni Tulfo sa Senado ang orihinal na nag-upload ng video upang makontak ang mga Pilipino at mapabilis ang pagsagip sa kanila.
Nakikipagtulungan din ang DMW sa National Bureau of Investigation (NBI) para bumuo ng kaso laban sa mga recruitment agency na sangkot umano sa operasyon.
Naglabas na rin ang DMW at Bureau of Immigration (BI) ng babala laban sa mga mapanlinlang na recruitment scheme na nag-aalok ng trabaho sa Russia. RNT/MDS