Home NATIONWIDE Abalos muling nanawagan sa BSKE bets sa ‘Oplan Baklas’

Abalos muling nanawagan sa BSKE bets sa ‘Oplan Baklas’

MANILA, Philippines – Muling ipinanawagan ni Department of the Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa mga kandidato sa paparating na Barangay and Sangguniang Kabataan Election (BSKE) na mahigpit na sumunod sa ipinaiiral na ‘Oplan Baklas.’

Kasabay nito ay sinabi ni Abalos na natutuwa siya sa pagsunod ng karamihan ng mga kandidato lalo na sa Tondo, Maynila.

Matatandaan na naglabas ng pahayag ang opisyal noong Biyernes, Oktubre 27 makaraang maglunsad ng Oplan Baklas drive ang ahensya kasama si Commission on Elections (Comelec) Chairperson George Garcia kung saan inalis ang mga “illegally placed” at “oversized campaign materials” partikular na ang mga nakasabit sa mga poste at wire, sa Barangay 128, Tondo, Manila.

Sa ilalim ng Comelec rules, ang lahat ng kandidato ay obligadong maglagay ng kanilang campaign materials o tarpaulin sa common poster areas.

Muli ring ipinanawagan ni Abalos sa mga kandidato na panatilihing sumunod sa lahat ng batas sa eleksyon, upang masiguro ang matagumpay at maayos na pagdaraos ng halalan.

“Let us maintain the integrity of the election and give the voters the respect that they deserve,” anang opisyal.

Sinabi rin ni Abalos na ang mga kandidatong nagsasagawa pa-bingo, namimigay ng papremyo at nagsasagawa ng “hakot” system o pagbiyahe sa mga botante sa araw ng eleksyon at namimigay ng pera ay posibleng maikonsiderang uri ng vote buying.

Samantala, sinabi ni Garcia na sa 1.4 milyong kandidato sa buong bansa, maliit na bilang lamang o nasa 2,000 ang naisyuhan ng show cause order dahil sa illegal campaigning o paggamit ng illegal campaign materials. RNT/JGC

Previous article6.3K Negrense nakakuha ng P12.7M ayuda mula sa DSWD
Next articleNegosyanteng kandidato sa BSKE arestado sa vote-buying