MANILA, Philippines – Nangako ng hustisya si Department of the Interior and Local Government (DILG) Secretary Benjamina Abalos Jr. nitong Martes, Nobyembre 21, para kay Althea Vivien Mendoza, isang third-year medical technology student, na sinaktan at binaril ng kaklase nito sa parking lot ng Saint Paul University-Tuguegarao City sa Cagayan noong Nobyembre 13.
Sinabi ng DILG chief na nagulat siya sa napanood na viral video kung saan si Mendoza ay binaril at sinuntok pa ng isa pang estudyante sa loob ng school campus.
Sa kasalukuyan ay nagpapagaling pa sa tinamong pinsala sa katawan ang biktima.
“Bilang Kalihim ng DILG ay hindi ko papayagan ang anumang uri ng karahasan laban sa mga kababaihan. Rest assured that I will personally monitor this case and ensure that justice is done,” saad sa pahayag ni Abalos.
Sinabi rin niya na makikipag-usap siya sa pamunuan ng paaralan upang malaman kung paano pa mapapabuti ang seguridad ng mga estudyante sa loob ng paaralan at magkaroon ng pamamaraan upang matukoy ang “troubled or disturbed individuals so that they can intervene sooner”.
“I ask the public to join me in an effort to put an end to violence against women and children. Sugpuin natin ang karahasan laban sa kababaihan at kabataan alang-alang sa mas makatao at makatarungang lipunan,” giit ng opisyal.
Si Mendoza ay nagtamo ng serious head injury at tama ng bala sa panga makaraang barilin siya ng ilang beses ng suspek na si Kristian Rafael Ramos, 20, kung saan pinagsusuntok siya nito sa ulo ng ilang beses at binaril pa gamit ang .45 caliber pistol.
Si Mendoza at Ramos ay kapwa estudyante ng St. Paul University of the Philippines.
Kinasuhan si Ramos ng frustrated murder at paglabag sa Omnibus Election Code ngunit pansamantalang nakalaya ito matapos makapagpiyansa ng P236,000. RNT/JGC