MANILA, Philippines- Ipinag-utos ni Interior and Local Government Secretary Benhur Abalos sa Philippine National Police (PNP) na rebisahing mabuti ang operational procedures matapos na mapatay ng mga pulis ng Navotas City ang 17-anyos na si Jemboy Baltazar dahil sa mistaken identity.
“Magkakaroon kami ng meeting with the PNP leadership at pag-uusapan namin kung anong dapat gawin dito. We will revisit all of their modes of procedure at ‘yung tinatawag na command responsibility, kung up to what level (ang liability) para hindi na maulit ito,” ayon kay Abalos sa isang kalatas.
Sa kabilang dako, magkahiwalay naman na binisita nina Abalos at PNP chief Police General Benjamin Acorda Jr. ang lamay ng tinedyer na si Baltazar.
Nauna rito, isang 17-anyos na binata ang nasawi nang pagbabarilin ng anim na pulis nitong Agosto 2 sa Navotas City.
Kinilala ang biktima na si Jemboy Baltazar habang ang anim na pulis sa Navotas City ay inalis na sa puwesto
Sa ulat, papalaot na sana noong tanghali ng August 2 ang biktima para maghanapbuhay sa Brgy. NBBS Kaunlaran nang mangyari ang trahedya.
Kuwento ng kaibigan ng biktima, nililimas nila ang tubig sa bangka na kanilang gagamitin nang dumating ang mga pulis at pinapababa sila.
Dahil nagpapaputok umano ng baril ang mga pulis, tumalon sa tubig si Baltazar at pinagbabaril pa rin.
Ang nasabing kaibigan ni Baltazar, nakaligtas dahil itinaas niya ang kaniyang mga kamay.
Ayon sa pulisya, may tinutugis silang suspek sa pamamaril sa naturang barangay.
Base diumano sa natanggap na impormasyon, nasa isang bangka sa NBBS ang suspek.
Pero inamin ng Navotas Police na hindi si Baltazar ang hinahanap na suspek, at mali ang proseso sa ginawang operasyon.
“Late na nilang nalaman. Nalaman na nilang namatay na iba pala ang nandoon. Dahil tumalon sa tubig, nagkamali sila dahil sa pagpapaputok sa tubig at tinamaan ang biktima,” ayon kay Police Colonel Allan Umipig, hepe ng Navotas Police.
Dagdag niya, dapat ginamitan ng mga pulis ng megaphone ang binatilyo para sabihan na sumuko nang maayos.
Hindi naman matanggap ng pamilya ang sinapit ng biktima, na isang OFW ang ina.
Ayon kay Rodaliza, ina ng biktima at OFW ngayon sa Qatar, sadyang hindi binuhay ng mga pulis ang kanyang anak dahil sa tinamo nitong mga tama ng bala sa mukha.
Sinampahan na ng kasong homicide ang anim na pulis na nagkasa ng operasyon. Kris Jose