Home NATIONWIDE Abalos sa car owners: Mga plaka ng sasakyan, suriin kung lehitimo

Abalos sa car owners: Mga plaka ng sasakyan, suriin kung lehitimo

MANILA, Philippines – Inabisuhan ni Interior Secretary Benhur Abalos Jr. nitong Biyernes, Enero 26 ang mga may-ari ng sasakyan na iberipika sa Land Transportation Office (LTO) kung lehitimo ang kanilang mga plaka.

Ang rekomendasyon na ito ay kasunod ng pagkakaaresto ng LTO, DILG-Special Project Group at Quezon City Police District – Kamuning Station sa tatlong empleyado ng LTO na umano’y nagnakaw ng mga plaka mula sa LTO Plates Making Plant.

Sa pulong balitaan, binalaan ni Abalos ang mga may-ari ng sasakyan na nakakuha ng kanilang vehicle license plates sa illegal na paraan na posibleng hindi nakarehistro ang kanilang mga plaka.

“Sa lahat ng nanood ngayon, check-in ninyo na agad sa LTO [kung legitimate ang license plates],” ani Abalos.

“‘Yung mga nakuha nila, walang laman ‘yan, hindi nakarehistro ‘yan, ‘yung QR code niyan, walang laman ‘yan,” dagdag pa niya.

Ayon kay LTO Chief Assistant Secretary Vigor Mendoza II, isang empleyado ng LTO ang nagreklamo sa opisina ng Internal Security Operations Division ng Philippine National Police tungkol sa naturang krimen.

Nitong Huwebes, inaresto ang tatlong empleyado ng LTO matapos na iulat na nakita ng duty security guard sa license plate manufacturing site ang mga ito na nagnakaw ng limang license plates.

Iniimbestigahan pa ng mga awtoridad ang dahilan ng pagnanakaw ng mga ito. RNT/JGC

Previous articleBig-time hike sa presyo ng gasolina, asahan!
Next articlePower grids na magkukumpleto sa suplay ng enerhiya sa Visayas, Mindanao binuksan na!