Home METRO ABC prexy patay sa pamamaril, 2 sugatan

ABC prexy patay sa pamamaril, 2 sugatan

BASILAN- PATAY ang isang pangulo ng Association of Barangay Captains habang sugatan ang dalawa kasama na ang barangay chairman matapos silang tambangan at pagbabarilin ng mga hindi pa kilalang suspek nitong Linggo, Pebrero 25 sa Isabela City, Basilan.

Kinilala ni Col. Alexander Lorenzo, Zamboanga City police director, ang nasawi na si Franklyn Galos Tan, chairman ng Barangay Seaside Isabela City, habang sugatan naman sina Jaider Jumdam, barangay chairman ng Kaumpurnah Zone 1, at Daryl Jalani ng Kaumpurnah Zone 2, kapwa ng Isabela City.

Batay sa report ng Zamboanga City Police Office (ZCPO), bandang 9:03 PM nang maganap ang krimen sa harap ng Fuerta del Ciudad Hotel, Nuñez Extension, Zamboanga City.

Ayon sa pulisya, dumalo ang mga biktima ng pagpupulong ng Eagles Club sa Zamboanga City at paglabas ng hotel ay bigla na lamang silang pinagbabaril ng mga suspek.

Tinamaan ang mga biktima sa katawan subalit napuruhan si Tan na naging sanhi ng kanyang kamatayan habang dinala naman sa ospital ang dalawa para lapatan ng lunas.

Inilarawan lamang ng mga saksi ang mga suspek na nakasuot ng helmet sakay ng kulay itim na motorsiklo na mabilis tumakas patungo sa direksyon sa Sta. Maria.

Nagpapatuloy naman ang ginagawang follow-up investigation ng mga awtoridad para alamin ang tunay na motibo sa krimen at pagkakakilanlan sa mga suspek sa agaran ikadarakip sa mga ito. Mary Anne Sapico

Previous articleTech-Voc program sa SHS grads, rerepasuhin sa Senado
Next articleKC, buntis?