MANILA, Philippines – Sinabi ni Wilfredo Gonzales, ang motorista na bumunot at kumasa ng baril sa isang siklista sa Quezon City na nagkaayos na umano sila ng siklista kasunod ng alitan na naging viral.
Sinabi ni Gonzales na pumunta sila ng siklista sa isang police station at nagkasundo na magpatawad sa isa’t isa at kalimutan ang nangyari.
Gayunpaman, sinabi ng bike enthusiast at abogado na si Raymond Fortun na sinabihan siya ng siklista na pinilit siya ni Gonzales na pumunta sa pinakamalapit na presinto ng pulisya at sinabihan na magbayad ng P500 para sa pinsala sa kanyang sasakyan.
“Pinuwersa si siklista na pumirma ng isang kasunduan. No. 1, inaamin niya na siya daw ay may kasalanan. No. 2, kailangan niyang magbayad ng P500,” ani Fortun.
“Gusto pang kunin yung buong pera sa wallet niya na P800 pero nakiusap siya, nagmamakaawa siya. Nanginginig siya sa takot, sa gutom na baka pipwede naman itira ang P300 para makalabas siya ng police station,” dagdag pa niya.
Sinabi ng PNP na si Gonzales ay dating pulis. Nagretiro siya noong 2016 ngunit noong 2017 ay nagkaroon ng dismissal order, na nakaapekto sa kanyang mga benepisyo.
Kinansela ng PNP ang lisensya ng baril ni Gonzales, rehistrasyon ng baril, at permit to carry.
Nakumpiska na rin ang tatlong baril sa ilalim ng kanyang pangalan. RNT