Home OPINION ABSWELTO ANG PDEA BOYS

ABSWELTO ANG PDEA BOYS

ILANG araw makaraang punahin ng Firing Line ang Philippine Drug Enforcement Agency  o PDEA sa pagsasagawa ng masusing imbestigasyon sa drug bust ng isang mag-uuling sa Solsona, Ilocos Norte, may twist na nangyari.

Ang pitong agents na nasibak sa puwesto habang iniimbestigahan ay balik-serbisyo na, at pinawalang-sala sa anomang maling nagawa nila, ayon sa rejoinder na ipinadala ni PDEA Director-General Moro Virgilio M. Lazo sa aking editor.

Gayunman, ang paglalantad ng kolum na ito ng reklamo at alegasyon ng sadyang paglalagay ng ebidensiya ay hindi matatapos sa internal investigation ng PDEA, na wala raw natuklasang iregularidad.

Kinasuhan si Jason Andres Dumlao, ang pangunahing tauhan sa kasong ito, dahil sa pagbebenta ng iligal na droga at nakasalalay na ngayon sa korte ang responsibilidad na isilbi ang tunay na hustisya. Hayaan nating malayang kumilos ang gulong ng katarungan.

Matatandaang ibinunyag ng Firing Line  ang pag-arersto kay Dumlao, isang mag-uuling ng Solsona, Ilocos Norte, na pinaniniwalaang magiging daan upang masibak ang pitong ahenteng sangkot sa raid sapagkat ang operasyon ay posibleng kaso ng mistaken identity.

Kaya nga itong si PDEA Director General Mozo ay nag-utos na sibakin sa pwesto ang mga ahenteng nagsagawa ng raid habang nagsasagawa ng imbestigasyon kaugnay sa pangyayari.

Isang sachet ng hinihinalang “shabu” ang nadiskubre umano sa kanya. Pero nakuhanan ng video, at viral ngayon, ang buong insidente, dahil sa kahina-hinala ang pangyayari bukod pa sa target ng PDEA ay mayroong tattoo, isang patunay na wala naman sa suspek. Wala ring criminal records si Dumlao.

Pero sa kabila nito, naghuhumiyaw ang katotohanan na pinawalang-sala na ang mga ahente ng PDEA ng kanilang mga opisyal at nakabalik na sa kanilang mga pwesto.

Magtiwala pa kaya ang publiko laban sa mga nagpapatupad ng batas na nalalagyan ng butas ng mga abuso sa kapangyarihan?

*         *         *

SHORT BURSTS. Para sa mga komento o reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X app (dating Twitter).

Previous articleRDs PMGEN NARTATEZ, PBGEN MACARAEG NAGKAISA SA PAGSESERBISYO
Next articleSALAG NI USEC CATURA