Home NATIONWIDE ‘Abused wives’ ng AFP officers, pinadudulog ni Bato sa Senado: ‘Magsumbong kayo’

‘Abused wives’ ng AFP officers, pinadudulog ni Bato sa Senado: ‘Magsumbong kayo’

MANILA, Philippines – Hinikayat ni Senador Ronald “Bato” Dela Rosa ang lahat ng “abused wives” ng mga opisyal ng Armed Forces of the Philippines (AFP) kabilang ang pulisya at iba pang sangay ng gobyerno na isumbong sa Senado ang pang-aabuso ng kanilang kabiyak at sa kanilang anak.

Ganito ang tugon ni Dela Rosa, sa isang press conference, matapos ipagpaliban ng makapangyarihang Commission on Appointments (CA) ang promosyon ni Ranulfo Sevilla bilang brigadier general ng AFP matapos harangin ng kabiyak nito sanhi ng hindi pagtupad sa court order ng marital at child support.

“They [can] present themselves. Magpadala sila ng mga position paper nila at ‘yung complaint nila mismo para malaman natin,” ayon kay Dela Rosa, isang alumnus Philippine Military Academy sa isang press conference hinggil sa inaabusong kabiyak at anak ng mga opisyal ng militar.

Ngunit, tila pabiro naman na binanggit ni Dela Rosa na pawang “battered husbands” ang halos lahat ng opisyal ng militar dahil palaging pinagsasabihan sila ng kanilang may-bahay na bumawi sa panahon na nawalan sa kanila.

“Nagtataka ako kung bakit maraming battered wife. Alam mo kami sa military, mga opisyal, karamihan ang mga officers mismo battered husband. Kasi under the saya kami. Pag-uwi sa bahay, ‘Matagal kang wala sa bahay, palagi ka sa field trabaho mo, dito ka maglaba ka, magplantsa ka, alagaan mo ang anak mo.’ Ganyan karamihan kaya mabait ang mga opisyal,” ayon kay Dela Rosa.

Binatikos din niya ang “generalization” na halos lahat ng tauhan ng militar ay sangkot sa extra-marital affairs.

“There is always an exemption to that generalization. Ako mismo, hindi ako ganon na tao. Under the saya ako. Mahal na mahal ko ang asawa ko at mga anak ko. Ayaw kong magkakasala,” ayon kay Dela Rosa.

“Pero lalaki ha. ‘Wag kayo magkumpiyansa na lalandiin ako dahil lalaki pa rin ako,” biro niya.

Sa kaso ni Sevilla, sinabi ni Dela Rosa na hindi nakikialam ang AFP sa personal matters tulad nito.

“Thats a personal matter kasi. Kung they are saying kami sa CA dapat hindi makialam d’yan sa personal niya na buhay, ganon din ang stand ng leadership ng Armed Forces. Personal naman niya yan na problema,” aniya.

“All they can do is give him guidance, advice, counseling yun lang pero kung sabihin mo ‘wag ka mambabae, ‘wag mo iwan ito, ‘wag kang pumunta sa ibang babae, ganon, hindi ma-address yon,” dagdag ng senador.

Nitong Martes, ipinagpaliban ng CA committee on national defense na kung saan miyembro ni Dela rosa ang ad interim appointment ni Sevilla matapos mabigo ang opisyal na tuparin ang kasunduan na magbibigay ito ng suportang pinansiyal sa kanyang dalawang anak.

Hinarang ng kanyang kabiyak ang promosyon ni Sevilla dahil hindi dapat umano ito tumaas ng ranggo dahil sa adultery, pang-abuso laban sa kanya at ayaw magbigay ng suporta sa kanilang mga anak kahit may court order.

Dumalo ang kabiyak sa Senado nitong Miyerkules upang ipagpatuloy ang pagharang sa promosyon ng dating asawa.

Kasama ni Mrs. Sevilla ang kabiyak ng isang opisyal ng militar na inabuso din ng asawa ng isang retired geneal na naitaas ang ranggo simula noong 2007 sa kabila ng reklamo sa AFP at Commission on Appointments.

Binanggit ng pangalawang ginang ang dinanas na nakunan sanhi ng pang-aabuso at karahasan na naranaan sa kamay ng kanyang kabiyak.

“Just to make awareness that this is really happening and sana ‘yung AFP, maraming nasisirang buhay, maraming nasisirang pamilya. Sana pagtuunan na ng pansin because the basic unit society is the family and the unsung heroes of the soldier is really the wife,” aniya saka idinagdag na kaklase ni Dela Rosa ang kanyang kabiyak sa PMA.

Inihayag naman ni AFP spokesperson Col. Margareth Padilla Taborlupa na kanilang iimbestigahan ang nabanggit na insidente.

“Rest assured po, ngayon po kasi [right now] there is a standing guidance from the chief of staff. We will be checking on these issues,” ayon ka Taborlupa.

“The AFP is maturing na in terms of gender and development. Noong mga previous may mga ganyang [previously, there have been] cases but now we really take it seriously, especially po marami na ring pong women that are commanding certain units,” giit pa ni Taborlupa. Ernie Reyes

Previous articleCat cannibalism sa kulungan ng barangay, iimbestigahan
Next articleHalos P15B investments inaprubahan ng PEZA mula Enero ‘gang Marso