Home OPINION ADIK KA BA SA GADGETS? 

ADIK KA BA SA GADGETS? 

WALANG  duda na napakalaki ng pakinabang at tulong sa modernong mga buhay natin ang mga gadget tulad ng cellphones,  tablets at laptops.   Mula sa pag-aaral, hanggang sa trabaho at pati na sa entertainment tulad ng panonood ng streaming shows o pakikinig ng musika.

Ngayong  meron nang internet, online at livestreaming shows, pati na ang apps na nagbibigay ng mabilis, malinaw at biglang-iglap o instantaneous na kaalaman, hindi ka na talaga mahihirapan na matuto o makahanap ng kasiyahan.   ‘Yun nga lang, tulad ng maraming bagay, kapag nasobrahan ka, napakarami ring masamang epekto kung addict ka na sa paggamit ng gadgets.

Lalo na nga sa mga kabataan, kasi sa panahon natin ngayon, kahit nga hindi pa nag-aaral ang mga paslit eh babad na sa cellphones at marunong ng mag-YouTube, mag-TikTok at mag-FB.

Hindi maganda kung sa murang edad ay sasanayin ang mga bata na sobra ang screen time.   Kahit naman sa mga teen-agers at mga matanda na.   Basta sobra ka sa tutok sa mga gadgets, masama ang epekto nito sa pisikal at mental na kalusugan mo.

Dahil lagi kang nakayuko, papunta sa maling postura at mananakit na ang iyong leeg, batok, likuran at mga kamay.   Manunuyo ang mga mata mo at panigurado papunta sa myopia o near-sightedeness o pagkalabo ng mata.

Malamang ay magpupuyat ka na rin, at dahil kulang sa tulog, papunta na ‘yan sa dagdag na stress araw-araw.   Kung hindi ka na rin nag-e-exercise dahil puro na lang online games or chat sa mga online friends, maari ka na ring tumaba at maging obese.

Marami na rin ang mga pag-aaral na iniuugnay ang screen addiction sa kabawasan sa memory ng utak, o kaya naman ay pati na malamyang epilepsy.

Kaya mga magulang at mga guro, hinihikayat tayo na maging  mas conscious sa tamang paggamit ng  gadgets ng ating mga anak at mga estudyante.

Previous articlePUMAPABOR SA ICC ANG KAPALARAN
Next articleBUWIS BUHAY ANG OPEN PIT MINING