Home OPINION ADVANCED RESIDENCY TRAINING NG FILIPINO DOCTORS SA AMERIKA, PINAG-ARALAN NG DOH

ADVANCED RESIDENCY TRAINING NG FILIPINO DOCTORS SA AMERIKA, PINAG-ARALAN NG DOH

MASUSING pinag-aaralan ng pamunuan ng DOH o Department of Health ang Department Administrative Order No. 2022-009 na nilagdaan ni dating health secretary Francisco Duque III na nagbabawas ng bi­lang ng pinapayagang Filipino medical graduates’ para magkaroon ng advanced residency training sa United States.
Tugon ito sa naging liham ni Dr. Henry Echiverri, presidente ng UPMASA o ng University of the Phi­lippines Medical Alumni Society in America kay DOH secretary Teodoro Herbosa na humihiling ng rekonsi­derasyon sa naging restriksyon sa pagkuha ng advanced studies sa Amerika ng mga Filipino doctors na nais pang palawakin ang kanilang kaalaman at kasanayan at maging mga espesyalista.
Alinsunod sa kasunduan, hindi na kinakailangan pang maglabas ng NTC o need for training certificate para sa mga kukuha ng internal medicine, surgery,               obstetrician-gynecologist, family medicine, pediatrics, anesthesiology, pathology, at radiology.
Paliwanag naman ng DOH, ginawa ang nasabing kautusan para matiyak na hindi magkakaroon ng kakulangan ng mga doktor sa bansa. Nais ng kagawaran na imbes na sa US ay sa mga lokal na ospital na lamang pumasok bilang mga residente ang mga bagong magtatapos na doktor sa mga tinawag na “negative list” medical specialties. Kasing husay rin naman ng mga ospital sa bansa ang mga pagsasanay at karanasang makukuha katulad sa Amerika.
Maaari lamang kasing maglabas ng NTC kung wa­la na talagang sapat na slots para sa mga nagnanais na maging residente sa lahat ng pampubliko at pribadong ospital sa bansa.
Sa ilalim kasi ng Exchange Visitor Program ng American law na Mutual Education and Cultural Exchange Act sa pagitan ng US at Pilipinas simula pa noong taong 1961, maaaring kumuha ng residency training ang isang lisensiyadong doktor mula sa bansa basta makakuha siya ng NYC para mapagkalooban ng J-1 visa.
Para sa UPMASA, nalimitahan ng inilabas na kautusan ang mas ibayo pang pagiging mahusay ng isang Filipino doctor at nawalan sila ng oportunidad sa ibayo pang paglago.
Dagdag pa ng samahan, matapos ang US residency training, kinakailangan naman na umuwi ng doktor sa Pilipinas para naman sa “home residency” ng da­lawang taon, kaya hindi dapat mangamba ang DOH na magkakaroon ng kakapusan ng mga propesyunal na doktor sa bansa. Ayon sa kanilang datus, mayroong higit kumulang twenty-eight thousand (28,000) na doktor sa buong bansa na rehistrado sa PRC o Professional Regulations Commission. Sapat diumanong bi­lang para mapunuan ang pangangailangan ng publiko.
Aminado ang DOH na kapwa mabigat ang mga argumento ng UPMASA at ng kagawaran kaya pag-aaralan nilang mabuti ang magiging hakbang kaugnay sa isinumiteng petisyon.

Previous articleGloc-9, nagkwento sa pinagmulan ng Sirena!
Next article‘KAMAY NA BAKAL’ VS ILLEGAL QUARRYING SA ILOILO!