MANILA, Philippines- Binigyang-diin ng Armed Forces of the Philippines (AFP) nitong Huwebes na anumang gawin ng bansa sa BRP Sierra Madre, ang military outpost nito sa Ayungin Shoal, labas na ang China rito at hindi magiging banta sa anumang bansa.
“Whatever we do in our commissioned vessel, whatever we do in our exclusive economic zone is none of their business,” giit ni AFP spokesperson Col. Medel Aguilar sa isang panayam.
Sinabi rin niya na “making BRP Sierra Madre liveable does not involve militarization that will threaten other country’s security. Repairing its facility does not involve reclamation that destroys our environment so where is the moral ascendancy to tell us what to do?”
Inihayag ni Chinese Ambassador Huang Xilian na binigyang-daan ng special arrangement sa pagitan ng Pilipinas at ng China na maging matagumpay ang resupply mission sa Ayungin Shoal kamakailan. Iginiit ni Huang na ang problema ay ang transportasyon ng large-scale building materials na mariing itinanggi ni Aguilar at sinabing imposible dahil hindi ito kayang kargahin ng mga bangkang naghahatid ng supply sa Ayungin.
Sinabi pa ni Aguilar na magagawa umano ito ng Pilipinas dahil saklaw ang shoal ng 200 nautical mile exclusive economic zone (EEZ).
Ayon sa Philippine authorities, wala silang alam sa nasabing kasunduan, habang binibigyang-diin na hindi kailangang humingi ng permiso ng Manila mula sa Beijing para sa anumang aktibidad nito sa Ayungin Shoal. RNT/SA