Home NATIONWIDE Agarang aksyon sa voucher program discrepancies tiniyak ni VP Sara

Agarang aksyon sa voucher program discrepancies tiniyak ni VP Sara

MANILA, Philippines- Tiniyak ni Vice President at Education Secretary Sara Duterte ang agarang aksyon sa umano’y discrepancy sa voucher program sa ilalim ng Government Assistance to Students and Teachers in Private Education (GASTPE).

Tugon ito ni VP Sara sa isang ambush interview sa sidelines ng kanyang engagements sa Cambodia bilang Southeast Asian Ministers of Education Organization (SEAMEO) President, araw ng Huwebes.

“Ngayon kung mayroon tayong nakikita na discrepancy doon sa billing ng private school, agad nating inaaksyunan,” ayon kay VP Sara.

Binanggit din ni VP Sara ang pagtatatag ng Government Assistance and Subsidies Office (GASO) na siyang titingin sa napaulat na discrepancy sa billing na inisyu ng pribadong eskwelahan.

“Unang-una, hindi natin pinapabayaran, sina-stop payment natin sila,” wika niya.

“Pangalawa, kapag nabayaran na at nakita na hindi karapat-dapat o mayroong mali or mayroong problema doon sa billing, pinapa-refund natin at pinapabalik sa Department of Education,” aniya pa rin.

Binanggit pa niya ang koordinasyon o pakikipagtulungan sa Private Education Assistance Committee (PEAC) pagdating sa pag-secure sa voucher program billings mula sa pribadong paaralan.

Kamakailan, napuna ni Senador Sherwin Gatchalian ang umano’y bulto ng undocumented beneficiaries ng E-GASTPE, sa ginawang pagdinig ng Senate Committee on Basic Education.

Sinabi pa ni Gatchalian na ang inaasahan ng DepEd na refund ay aabot ng P239 milyon, habang may ilang eskwalahang mayroong P80 milyon at P68 milyong refunds, bukod sa iba pa, base sa PEAC report.

Sa kabuuan, ang nasabing halaga ay kumakatawan sa 19,000 undocumented voucher program beneficiaries. Kris Jose

Previous article200 PDL sa Bilibid inilipat sa Leyte
Next articleTomas Morato Ave, ilan pang kalsada isasara sa Marso 23