MANILA, Philippines – Ipinag-utos ni Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian nitong Biyernes, Setyembre 8 ang agarang pagpapadala ng tulong sa nasa 1,000 indibidwal na naapektuhan ng malaking sunog na tumama sa Bongao, Tawi-Tawi.
Ibinigay ni Gatchalian ang direktiba kay FO-9 Regional Director Riduan Hadjimuddin matapos malaman ang balita ng sunog na tumupok sa nasa 100 tirahan sa Kahapan Street, Barangay Poblacion, nitong Huwebes ng hapon.
Inatasan na rin ng DSWD chief si Hadjimuddin na makipag-ugnayan sa lokal na pamahalaan para sa mabilis na paghahatid ng food at non-food items sa mga apektadong residente.
Siniguro naman ni Hadjimuddin na inihanda na nila ang 1,000 kahon ng family food packs, 1,000 sleeping kits, 1,000 family kits, at 1,000 hygiene kits kasama ang 150 modular tents.
“We have already coordinated with the OCD (Office of Civil Defense) for the transporting of these goods to Bongao,” sinabi ni Hadjimuddin.
Nakipag-ugnayan na rin umano sila sa Municipal Social Welfare and Development Office ng Bongao para sa psychosocial support sa mga pamilya. RNT/JGC