Home OPINION AGENDA PARA SA DINASTIYA

AGENDA PARA SA DINASTIYA

KINUYOG si Speaker Martin Romualdez sa social media sa pagsusulong niya ng Charter change. ‘Yan ang napapala kapag hindi maikakaila sa publiko ang iyong agenda: panunuwapang sa kapangyarihan na idadaan kunwari sa reporma.

Para sa mga hindi kumbinsido, tanungin ninyo ang inyong bagong halal na kagawad, kapitan, o maging ang mga nakababatang SK leaders, na may alam sa manifesto na sinasabing ipinakakalat sa mga barangay sa layuning makakalap ng pirma bilang suporta sa Cha-cha.

Malamang na ibuking nila sa inyo na ang pagpupursige para raw sa reporma, sa pamamagitan nang pag-amyenda sa 1987 Constitution, ay simpleng palusot lamang upang palawigin ang termino ng mga inihalal at manipulahin ang eleksyon.

Batay sa mga indikasyon, may inaasinta si Romualdez — na pinsan ni President Bongbong Marcos — na isang paglabag sa tiwala ng publiko. Isang lumang estratehiya o pagtatangka marahil ng kasalukuyang administrasyon na mangunyapit sa puwesto.

Ang mas mahabang termino na ipinangako sa mga lokal na opisyal at ang suspensiyon ng SK at barangay elections sa loob ng limang taon ay nagbubuking sa isang desperadong paghahangad sa kapangyarihan. Hindi ito reporma, Mr. Speaker. Isa itong lantarang ‘power play’.

Sa mga mamamayan, manindigan tayo na wala na sanang lokohan at suriin nating maigi ang ating district representatives sa Kamara. Sa mga kinatawan natin sa Kongreso: karapat-dapat ninyong sagutin ang katanungan ng mamamayan, huwag kahina-hinalang kasunduan ang asikasuhin, o magsamantala sa posisyon para sa personal na ambisyon.

ARMASAN ANG MAYNILA

Sa harap nang nagpapatuloy na pambu-bully ng China sa South China Sea, dapat maintindihan ng Beijing na nagwakas na ang mga panahong maamo at madiplomasya ang Maynila. Kung pagtatanggol sa karapatan sa soberanya at teritoryong pangkaragatan ang pag-uusapan, hindi na mag-aalinlangan ang Pilipinas; naghahanda na itong lumaban at nagpapalakas ng alyansa sa mga bansang handang makipagbalikatan sa laban sa anomang hamon. At hindi lamang Amerika ang pinag-uusapan dito.

Hindi na rin nagpapaliguy-ligoy pa si Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. Misyon niya ngayong itodo ang pag-aarmas at pagpapalakas sa Armed Forces of the Philippines. Ang pakikipagpulong niya ngayong linggo kay Ambassador Karel Hejč ng Czech Republic ay hindi lamang tinampukan ng simpleng palitan ng pagbati. Naghuhumiyaw ang estratehikong alyansang binuo mula sa inudyukang pagkakagipit.

Ibig sabihin, hindi panghimagas ang ihahain ng Czechs sa Pilipinas; ang usapan ay umikot sa trainer jets, transport aircraft, ISR gear, at radars – sari-saring kagamitang pandepensa upang palakasin ang Pilipinas.

Samantala, si Foreign Minister Annalena Charlotte A. Baerbock ng Germany na dumating sa bansa ay hindi namasyal lang sa Pilipinas para sa sangkatutak na picture taking. Pakay niya ang Philippine Coast Guard dahil seryoso talaga ang Pilipinas pagdating sa pagtutulungang pangkaragatan.

Ang pagdalaw ng German minister ay tungkol sa rules-based order sa masalimuot na karagatan ng West Philippine Sea. Ang presensiya ni Baerbock ay kumpirmasyon ng agarang pangangailangan na epektibong madepensahan ang ating mga teritoryong karagatan laban sa mga inakalang kaya nilang magsiga-sigaan.

At nariyan pa ang BrahMos supersonic cruise missile mula sa India – isang nakabibinging palakpakan na kumakatawan sa determinasyon ng Maynila. Habang ipinagyayabang ng China ang angas nito, malinaw ang mensahe ng Pilipinas: binitbit na namin ang pinakamakakapangyarihan upang protektahan ang interes ng aming bansa. Ang delivery ng BrahMos ay hindi lamang basta transaksiyon; isa itong mapanindak na pahayag na seryoso na ngayon ang Maynila.

                                   *        *       *

SHORTBURSTS. Para sa mga komento at reaksiyon, mag-email sa [email protected] o mag-post sa @Side_View sa X.

Previous articleMEDIA BULLYING
Next articleNAVOTAS GEARS FOR 118th FOUNDING CELEBRATION