MANILA, Philippines- Umabot na sa P2.9 bilyon ang pinsala at pagkalugi sa sektor ng agrikultura dahil sa Southwest Monsoon (Habagat) na pinalakas ng mga bagyong Egay at Falcon.
Base sa pinakabagong situational report ng National Disaster Risk Reduction and Management Council (NDRRMC), ang Department of Agriculture (DA) ay nakapagtala ng P2,944,689,603.82 sa production loss o halaga ng pinsala sa Ilocos Region, Cagayan Valley, Central Luzon, Calabarzon, Mimaropa, Western Visayas, Bangsamoro Region, at Cordillera Administrative Region (CAR).
Tinatayang may 108,729 mangingisda at magsasaka ang apektado ng napinsalang 153,268.39 ektarya na lugar ng pananim, kung saan 132,074.62 ektarya ang partially damaged at nananatiling may tsansa na makabawi habang 20,104.44 ektarya ang totally damaged at wala ng pag-asa na makabawi pa.
Sa kabilang dako, ipinaskil naman ng National Irrigation Administration (NIA) ang P137,781,000 halaga ng danyos sa Mimaropa at CAR.
Dahil sa masungit at masamang panahon pa rin, nawasak ang 573 istraktura na nagkakahalaga ng P3,631,012,164.44.
Nakapagtala naman ang CAR ng pinakamataas na infrastructure damage na may 347 structures na may halagang P2,261,635,339.74.
Ang napaulat na casualty ay nananatili naman sa 29, dalawa rito ang kumpirmado. Mayroon namang 11 iba pa na nawawala at 165 ang sugatan.
Dahil sa bagyong Egay at Falcon at Habagat, naapektuhan ang 3,032,077 katao o 806,836 pamilya sa 4,833 barangay sa buong bansa.
Mayroon ding 648 evacuation centers na pinagdalhan sa 51,000 displaced individuals o 13,000 pamilya habang mahigit 233,000 katao o 57,000 pamilya ang nanunuluyan sa labas ng evacuation centers.
Nakapagtala naman ang NDRRMC ng 60,991 nawasak na bahay dahil sa weather disturbances. Sa mga nasabing bahay, mayroong 58,610 ang partially damaged, at 2,381 ang totally damaged.
Mayroon ding 62 mga kalsada at apat na tulay ang hanggang sa kasalukuyan ay hindi pa rin nadaraanan.
Sinabi pa ng NDRRMC na may P269,448,936.61 na tulong ang ipinagkaloob sa mga apektadong rehiyon. Kris Jose