Home NATIONWIDE Airport employee arestado sa pag-eskort sa 3 biktima ng human trafficking sa...

Airport employee arestado sa pag-eskort sa 3 biktima ng human trafficking sa NAIA

MANILA, Philippines – MASUSING iniimbestigahan ng mga awtoridad kung sangkot sa sindikato ng human trafficking ang isang airport employee na nakitang umeeskort sa tatlong pasaherong hinarang ng mga tauhan ng Bureau of Immigration (BI) makaraang tangkaing umalis patungong Dubai noong Disyembre 22.

Ayon sa BI, naharang ng mga immigration officers sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA) Terminal 3 ang tatlong pasaherong nagtangkang umalis patungong Dubai, UAE, kung saan nagpanggap pa silang magkaibigan mula sa General Santos City na nagbabakasyon.

Ayon kay BI Commissioner Norman Tansingco, nabuking na biktima ng human trafficking ang nasabing tatlong pasahero makaraang dumaan sa secondary inspection at hindi nila alam ang pangalan ng isa’t isa at wala silang return ticket sa General Santos.

Ipinagtapat ng mga biktima na sila ay na-recruit bilang mga household service worker sa Dubai sa pamamagitan ng Facebook, at hindi nila alam ang kanilang transit arrangements sa UAE.

Ibinunyag pa ni Tansingco na isang empleyado ng paliparan ang nakitang nag-escort sa mga biktima sa mga immigration counter.

“Immigration supervisors promptly intervened, signaling that such actions were unauthorized and against protocol,” ani Tansingco.

Binigyang-diin ni Tansingco, bilang tugon sa insidente, na ang mga airport immigration area ay mahigpit na ipinagbabawal sa mga hindi awtorisadong tauhan, lalo na sa mga nagbibigay ng VIP treatment sa mga biktima ng trafficking.

Ang insidente ay kaagad na inihatid sa Inter-Agency Council Against Trafficking (IACAT) para sa karagdagang imbestigasyon at pagsasampa ng kaukulang kaso laban sa mga recruiter. JAY Reyes

Previous article16 sugatan sa sumalpok na jeep sa puno sa Rizal
Next article2023 trips ni PBBM nakapagdala ng P300B investments sa bansa – DTI