Home NATIONWIDE Airport VIP lounges gawing OFW hubs – Tulfo

Airport VIP lounges gawing OFW hubs – Tulfo

MANILA, Philippines- Kinuwestiyon ni Senator Raffy Tulfo nitong Martes ang presensya ng VIP lounges sa airports ng bansa at sinabing sa halip ay dapat itong gawing lounges para sa overseas Filipino workers (OFWs). 

Inihayag ito ni Tulfo sa hearing ng Senate committee on migrant workers sa Senate Bill 2077 o ang Balikbayan Hub Act, na naglalayong lumikha ng hubs na mayroong sleeping quarters, showers, restrooms, at complementary food at beverage para sa OFWs.

“Alisin na kaya natin ‘yung mga VIP lounge na ‘yan? Sino ba ‘yung mga VIP na dapat uupo doon, pupunta doon? Imbis na mga VIP lounges na ‘yan na ang lalaki, eh bakit hindi na lang natin i-convert sa OFW lounge mga ‘yun?” aniya.

“Kasi ‘yung mga VIP can afford naman sila kumuha ng Mabuhay Lounge, ‘di ba? Can afford naman silang dumating ng late kasi nga VIP naman sila. Kung minsan iniintay pa ng eroplano. Eh, ‘yung mga OFWs natin pumupunta nnag maaga tapos nade-delayed ‘yung flights. Nate-tengga sila dyan sa paligid-ligid,” anang senador.

Para kay Manila International Airport Authority (MIAA) OIC Senior Assistant General Manuel Gonzales, ang rekomendasyon ni Tulfo ay “very positive.” 

“I will discuss it with management, sir. Hopefully— talagang maganda po ‘yung inyong recommendation po, Mr. Chair,” pahayag niya.

Ayon kay Gonzales, sinimulan na ng MIAA ang pagbuo sa memorandum of agreement sa Overseas Workers Welfare Administration (OWWA) sa pagtatatag ng hub sa Ninoy Aquino International Airport (NAIA).  

Samantala, sinabi ni OWWA Administrator Arnel Ignacio na target nilang magtalaga ng lounge sa NAIA Terminal 3. Naglaan umano sila ng P7 milyon para sa renobasyon.

“Para naman maging at par with the lounges of the other airlines. Of course, this can still be increased if the need arises,” sabi ni Ignacio.

“We want the OFWs to experience how VIPs are treated in the lounges of international airlines. Doon po kasi, merong kumpleto— Tuloy-tuloy ang pagkain, may shower, may prayer room… yes, breastfeeding room, meron po,” patuloy niya.

Samantala, inirekomenda ni Department of Migrant Workers officer in charge Undersecretary Hans Leo Cacdac ang pagsasama ng OFWs sa panukala.

“Isang recommendation din po namin, Mr. Senator, kasi dito po sa bill nakalagay pang active contracts pero meron po kasing OFWs na distressed or na-terminate ‘yung contracts so baka pwede sila isama sa saklaw nung bill,” sabi ni Cacdac.

Wika pa niya, sila ay “willing, able, and ready” na ipatupad ang Balikbayan Hub Act kapag naisabatas ito. RNT/SA

Previous articleMarcos sa NIA: Input para sa mga magsasaka, ibigay sa tamang oras
Next articlePH security adviser sa Chinese coast guard: Panggigipit sa mangingisdang Pinoy, itigil