KRITIKAL ngayon ang lagay ng isang 6-anyos na estudyante nang mabangga ng rumaragasang jeep habang tumatawid na may isang kasama sa isang pedestrian lane sa Olongapo City kamakailan.
Patay naman ang isang babaeng pasahero nang sumemplang ang sinasakyan nitong motorcycle taxi at magulungan ng dumaraang truck sa Roxas Boulevard nito lamang sabado.
Personal din nating nasaksihan ang nakahandusay na rider nang sumemplang din at nagulungan ng truck sa Mindanao Avenue, dalawang linggo na ang nakakaraan.
Kulang ang pahinang ito kung iisa-isahin pa natin ang iba’t-ibang kuwento ng aksidente na kumitil ng maraming buhay at sumira ng kinabukasan, kabuhayan at ari-arian.
Ano nga ba ang solusyon para mapigilan ang mga aksidenteng ito? Lilinawin lang natin na wala tayong sinisisi sa mga pangyayari. May dahilan kung bakit patuloy na nagaganap ang mga trahedya.
Sa ating pagsusuri, may pagkukulang ang ilang awtoridad sa implementasyon ng batas trapiko. May mga kaso kasi na harap-harapan na ang violation ng ilang motorista tulad ng pampasaherong jeep, tricycle at motorcycle taxi pero hindi naman sila hinuhuli o pinapahinto man lang ng pulis o traffic enforcer para paalalahanan sa nagawang mali.
Nandiyan ang overspeeding, hindi pagbagal sa matataong lugar, hindi paghinto sa pedestrian lane, counter flow, depektibong signal lights, illegal parking at iba pa na nagpapalaki ng tyansa na mangyari o maulit ang mga aksidente.
Nagkaroon nga tayo ng ‘No Contact Apprehension Policy’ na ipinatupad ng ilang siyudad pero inulan naman ng reklamo dahil sa diumanong kapalpakan ng implementasyon nito.
Kailangang rebisahin ang RA 4136 o Land Transportation and Traffic Code gayundin ang pagsasabatas ng National Transportation Safety Board.
Mas mabuting maimbestigahan nang husto ang bawat aksidente upang malaman ang angkop na corrective action sa mga kamalian.
Mainam din kung paiigtingin ang training requirements para sa lahat ng mga traffic enforcer at driver gayundin ang pagkakaroon ng sapat na pondo sa local government unit at barangay para ikampanya ang road safety at situational awareness sa bawat lugar.
Maghinay-hinay ang lahat sa pagmamaneho at doblehin ang ingat sa pagtawid sa mga daan.