Home OPINION AKSIDENTE, SUNOG SA KRISMAS LABANAN

AKSIDENTE, SUNOG SA KRISMAS LABANAN

KAHIT hindi pa Disyembre 25, Pasko na sa mga araw na ito, sa totoo lang.

Palatandaan dito ang mga katakot-takot nang Christmas party at simula ngayon araw, ang pagdaraos ng Simbang Gabi.

Naririyan din ang katakot-takot na gawaan at orderan ng mga pagkain, karoling at pagbiyahe sa kung saan-saan.

Lalo na sa parte ng milyones na empleyado ng pamahalaan na puno ng mga benepisyo, bukod sa 13th month pay, naririyan ang merry Krismas bonus.

Pero lahat nang ito ay maaaring magkaroon ng mga katakot-takot na panganib gaya ng sunog at aksidente sa biyahe.

Ang sunog, napakarami, gaya ng nilikha nang pagsabog ng paputok para sa Pasko at Bagong Taon sa Cebu, pagkasunog ng isang pabrika sa Bulacan at mga residential area sa kung saan-saan, lalo na sa Kamaynilaan.

Pwede ring may sunog mula sa altar dahil sa kandilang pampaswerte at iba pa at higit sa lahat sa kusina.

Sa aksidente, naririyan ang mga biyaheng motorsiklo na napakabibilis, lalo na sa parte ng mga delivery boy, mga senglot at nakadroga.

Kailangan ding makarami ang mga pampasaherong sasakyan para kumita nang ekstra ngunit nadidisgrasya dahil sa kawalan o kakulangan ng pahina at tulog ng mga tsuper.

Kakambal nito ang kakulangan na rin ng tsekap para sa ligtas na biyahe sa mga sasakyan na halos walang hinto sa biyahe.

Pero may mga sangkap ng mga sunog at aksidente na napakahalaga na dapat meron sa kamay at isipan ng mga mamamayan.

Hindi pupwedeng sa mga bumbero lang ipaubaya ang laban sa sunog kundi sa sarili rin natin.

Gaano ba tayo kaalam sa pagpigil ng sunog sa loob mismo ng ating mga tahanan o lugar ng trabaho?

Gaano ba tayo mapagbantay sa mga tsuper at kalidad ng mga sasakyang ating sinasakyan?

Dapat may mga training ang lahat ukol sa mga ito, mula sa mga bata hanggang matatanda.

Sa mga aksidente sa lansangan, ang karapatang sumita sa tsuper at sasakyan simula sa pagsakay hanggang bumibiyahe, dapat panghawakan.

Paano kung may nananadya sa sunog at aksidente?

Ibang usapan na ‘to.

Previous articlePNP, WALANG MAGARBONG CHRISTMAS PARTY
Next articleP6.12 trilyong budget sa 2025 itinakda ng PH economic managers