MANILA, Philippines- Inihayag ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Linggo na mahigpit nitong binabantayan ang aktibidad sa Taal Volcano.
Ito ay kasunod ng naiulat na “low level activity” sa bulkan nitong Biyernes, kung saan natukoy ang mahina at mababaw subalit patuloy na pagyanig.
Naobserbahan din ang pagtaas ng average emission ng sulfur dioxide (SO2).
Base kay Phivolcs Director Dr. Teresito Bacolcol, mayroon ding naiulat na volcanic smog nitong Linggo ng umaga dahil sa increased emission ng SO2.
Nagpaalala naman siya sa mga residente malapit sa bulkan na manatili sa tahanan at magsuot ng protective masks kung lalabas.
“Kaya pinapaalalahanan po namin ang mga tao na limitahan ang kanilang paglalabas. Kung maari, iwasan nila ang aktibidad sa labas, and they have to wear mask,” ani Bacolcol.
Gayundin, pinaalalahanan niya ang publiko na nakataas pa rin ang Alert Level 1, na nangangahulugan ng hindi normal na kondisyon, sa Taal Volcano.
“As of now, Alert Level 1 pa rin. It might lead to a volcanic eruption but it might not. Again, sa Alert Level 1 po kasi, maaring mangyari ang biglaang pagputok, steam o phreatic explosion. Again, that’s the reason why we’re closely monitoring Taal Volcano,” patuloy niya.
Base sa Phivolcs, nangangahulugan ang Alert Level 1 ng “sudden steam-driven or phreatic explosions, volcanic earthquakes, minor ashfall and lethal accumulations or expulsions of volcanic gas.”
Paalala ni Bacolcol, sa Alert Level 1, “off limits” pa rin ang Taal Volcan. RNT/SA