Home HOME BANNER STORY Alamin: Nat’l roads sa NCR na ‘di pwede daanan ng e-vehicles

Alamin: Nat’l roads sa NCR na ‘di pwede daanan ng e-vehicles

MANILA, Philippines – Ipinagbawal na ng Metro Manila Council (MMC) ang pagdaan ng “e-vehicles” tulad ng e-trikes at e-bikes sa mga national roads sa National Capital Region.

Ang desisyon ay inihayag ng Metropolitan Manila Development Authority (MMDA) chairman Romando Artes pagkatapos ng MMC meeting nitong Miyerkules, Pebrero 28.

“Kaninang umaga, nagpasa ng resolusyon ang MMC tungkol sa regulasyon ng mga e-trike at iba pang electric vehicles na ipinagbawal natin sa mga pangunahing kalsada sa ilalim ng hurisdiksyon ng MMDA,” ani Artes.

Kabilang sa mga kalsadang ipagbabawal ang pagdaan ng e-vehicles ay:

-Recto Avenue
-Sinabi ni Pres. Quirino Avenue
-Araneta Avenue
-Epifanio Delos Santos Avenue (EDSA)
-Katipunan Avenue /C.P. Garcia Ave
-Southeast Metro Manila Expressway
-Roxas Blvd
-Taft Ave
-South Luzon Expressway (SLEX)
-Shaw Blvd
-Ortigas Ave
-Magsaysay Boulevard/Aurora Boulevard
-Quezon Avenue/Commonwealth Avenue
-A. Bonifacio Avenue
-Rizal Ave
-Del Pan/Marcos Highway/McArthur Highway
-Elliptical Road
-Mindanao Ave

Ang nasabing paunang listahan ay posible naman madagdagan  batay sa mga isinumite ng mga lokal na pamahalaan.

Nakatakda namang pagmultahin ng P2,500 ang mga mahuhuling lalabag, ayon kay Artes. Kapag naman nahuling walang driver’s license ang mga gumagamit ng e-vehicles ay i-impound ang kanilang sasakyan.

Ang nasabing patakaran ay magkakabisa 15 araw pagkatapos itong mai-publish at maaaring magsagawa ng information campaign. Santi Celario

Previous articleMas mahabang oras ng botohan sa 2025 midterm polls target ng Comelec
Next articleMga parak target ibalik sa ‘pito at batuta’ sa police ops – Acorda