Home NATIONWIDE Alang-alang sa mga commuter, FEJODAP ‘di sasali sa tigil-pasada

Alang-alang sa mga commuter, FEJODAP ‘di sasali sa tigil-pasada

MANILA, Philippines – Inanunsyo ng Federation of Jeepney Operators and Drivers Association of the Philippines (FEJODAP) nitong Linggo, Nobyembre 19 na hindi sila lalahok sa tatlong araw na nationwide transport strike na magsisimula bukas, Nobyembre 20.

Sa panayam, ipinaliwanag ni FEJODAP national president Jephraim Gochangco na nagdesisyon ang grupong huwag nang sumali sa planong transport strike bilang konsiderasyon nila sa mga mananakay na maaapektuhan ng tigil-pasada.

“Hindi kami sasama sa darating na pagaaklas. Paumanhin na po sa aming mga kasama sa hanapbuhay. Nakikisimpatya rin naman kami sa kanilang mga hinaing, subalit nakapagpasya ang kabuuan namin na hindi kami sasabay sa pag-aklas dahil na rin sa pagpapasya namin at pag-aaral sa isyu na ‘to,” ani Gochangco.

“Ang una unang naming tinignan o pinahalagahan ay ang mga kababayang mananakay,” dagdag pa niya.

Nauna nang inanunsyo ng Pinagkaisang Samahan ng mga Tsuper at Operators Nationwide (PISTON) ang pagdaraos nila ng nationwide transport strike bilang protesta sa modernization program ng pamahalaan.

Nagsimula noong 2017, layon ng PUVMP na palitan ang mga jeepney ng mga sasakyan na mayroong Euro 4-compliant engine upang mabawasan ang polusyon.

Kasunod nito, nagrereklamo ang mga drayber at operator dahil pumapalo sa mahigit P2 milyon ang presyo ng bawat sasakyan.

Iginiit ni Gochangco na tutol din sila sa PUVMP ngunit patuloy silang makikipag-dayalogo sa mga concerned government agency.

“Sinabi namin sa aming posisyon na daanin pa rin sa mahinahong pakikipag-usap sa ating pamahalaan. Sa tingin nila, ay napapakinggan naman dahil hindi naman kasi kami tumitigil sa pakikipag-usap sa ating Kagawaran ng Transportasyon,” aniya.

Siniguro naman ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na walang drayber ang mawawalan ng trabaho dahil sa PUVMP.

“Ang problema na kanilang sinasabi ay baka hindi sila mapautang para makapagbili ng bagong sasakyan kaya’t yan ang tinitignan namin ngayon na tiyakin na walang mawawalan ng trabaho dahil hindi nakapagbili ng electric vehicle pagdating ng panahon,” sinabi ni Marcos noong Marso. RNT/JGC

Previous articleTolentino sa Pangasinan councilors: ‘Wag kalimutan ang sinumpaang tungkulin
Next articleIlang lugar sa Northern Samar, binaha!