MANILA, Phililippines – Ipinag-alala na ni Mayor Caloy Baldo ang kawalan ng sanitation at supply ng tubig sa mga evacuation centers kung saan pansamantalang titirahan ang mga residenteng lumikas mula sa anim na kilometrong Permanent Danger Zone (PDZ) sa Mayon Volcano.
Sa pagpupulong ng Municipal Disaster Risk Reduction and Management Council (MDRRMC) nitong Biyernes ng umaga, Hunyo 9, sinabi ni Baldo na kabilang sa mga pangangailangan ng mga evacuees na kailangan nilang resolbahin ay ang supply ng tubig at kakulangan ng palikuran.
“Actually ang isa sa ni-raised na concern ng aming kapitan ay ‘yung kakulangan sa mga comfort rooms. Kasi may mga evacuation centers na kulang talaga sa CRs,” sabi ni Baldo.
Sinabi ni Baldo na tatalakayin niya ang isyung ito kay Department of Social Welfare and Development (DSWD) Secretary Rex Gatchalian na nakatakdang bumisita sa Albay sa Sabado, Hunyo 10.
Ang Camalig ay mayroong 4,749 pamilya o 18,184 indibidwal na kailangang ilikas mula sa apat na barangay sa PDZ.
Ito ang may pinakamaraming residenteng nakatira sa loob ng PDZ at dadalhin sila sa mga evacuation center sa Barangay Comun, Baligang, at Cotmon.
Sinabi ni Baldo na hihingi din sila ng mga tent kay Gatchalian.
Ikinabahala rin ni Baldo ang suplay ng tubig dahil ang mga kasalukuyang suplay ay hindi sapat para sa kanilang konsumo.
Humihingi ng tulong si Baldo sa iba’t ibang ahensya o organisasyon para sa suplay ng tubig at mga tolda para sa mga evacuees. RNT