NUEVA VIZCAYA- Patay ang isang albularyo matapos paghahatawin ng kahoy ng kanyang pasyente makaraang hindi umano maintindihan ng huli ang orasyon ng una, noong Lunes sa bayan ng Ambaguio.
Kinilala ang biktimang si Blacio Lindawan, 72-anyos habang nadakip naman ang suspek na si Jonal Ollani, 36, at kapwa residente ng Sitio Pappalang, Camandag, Ambaguio, Nueva Vizcaya.
Batay sa report ng Ambaguio Police Station, nagana ang krimen sa bahay ng suspek sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, nakaramdam ng pananakit ng tiyan, sakit ng ulo at lagnat ang suspek kaya pinapunta niya ang biktima kanilang bahay para magpagamot.
Habang nasa gitna ng orasyon hindi naiintindihan ng suspek ang dinadasal ng biktima kaya nagkaroon sila ng pagtatalo.
Sa galit ng suspek kumuha ito ng matigas na kahoy saka pinaghahampas sa iba’t ibang parte ng katawan ng biktima na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan.
Tumakas naman ang suspek matapos ang krimen pero kalaunan ay nadakip rin ng mga awtoridad sa isinagawang follow-up operation.
Nahaharap ngayon sa kasong pagpatay ang suspek. Mary Anne Sapico