Manila, Philippines- Si Alden Richards ay dating co-host nina Tito at Vic Sotto at Joey de Leon sa Eat Bulaga ng GMA 7.
Nu’ng iwan ng TVJ ang nasabing noontime show ay lumipat sila sa TV5.
E.A.T. ang title ng bagong noontime show ng tatlo sa nasabing network. Hindi nila ginamit ang Eat Bulaga.
Hindi nagawang sumama ni Alden sa TVJ sa bago nilang programa sa network na pag-aari ni Manny Pangilinan. Contract star kasi ang aktor/TV host ng Kapuso network.
Aminado naman si Alden na nalulungkot siya na hindi na siya part ng show ng TVJ.
“Siyempre at first, wala po akong karapatang makialam sa desisyon ng parehong kampo dahil isa lang po akong empleyado. Pero kumbaga, kung sa personal ko pong..sa damdamin at puso, malungkot po ako, na hindi na ako makakabalik sa pamilya na almost half of my career ay kasama ko sila,”sabi ni Alden
“But we still remain friends. But ‘yun nga po, ‘yung opportunity na makalipat o makita sila sa TV5.. medyo ‘yun po kasi ‘yung nasa.. of course, hindi lang naman sa GMA 7 meron ‘yung ganung exclusivity.
“But siguro, kahit saan man po ako magpunta, ‘yung puso ko as Dabarkads, hindi na mawawala yun,” aniya.
Kung may ipo-promote man daw si Alden na pelikula ay baka pwede siyang mag-guest sa E.A.T. Pero malabo raw talagang maging host siya rito.
Samantala, si Alden ang host ng bagong talent competition ng GMA 7 na Battle of the Judges, na mapapanood na simula sa July 15. Rommel Placente