Home NATIONWIDE Alegasyon sa DOTR chief sa graft issues ng LTFRB, maaga pa para...

Alegasyon sa DOTR chief sa graft issues ng LTFRB, maaga pa para magkomento – Bersamin

MANILA, Philippines – Masyado pang maaga para magkomento sa alegasyon na nag-uugnay kay Transportation Secretary Jaime Bautista sa graft issues sa Land Transportation Franchising and Regulatory Board (LTFRB), sinabi ni Executive Secretary Lucas Bersamin nitong Miyerkules, Oktubre 11.

“Premature for me to say anything yet kasi wala pa yan eh [there is still nothing yet]. They are still investigating,” pahayag ni Bersamin sa isang ambush interview.

Nitong Martes, sinabi ni transport group Manibela president Mar Valbuena na ayon sa whistleblower na si Jeff Tumbado, naghatid ng “corruption money” si suspended LTFRB chairperson Teofilo Guadiz III kay Bautista.

“Pa-pogi ito ni (LTFRB) Chairman [Teofisto Guadiz III]. Dinadala po ito kay Secretary Bautista at ang sinasabi daw sa kanila dadalhin ito sa Malacañang…Pampa-pogi daw po para maging malakas sila at hindi sila matanggal at tuloy-tuloy kanilang pagkakaupo sa puwesto nila,” ani Valbuena.

Si Tumbado, dating executive assistant ng suspended LTFRB chairman, ay nagsabi rin na inabisuhan siya ni Guadiz na dalawang kongresista rin ang sangkot sa koleksyon ng P5 milyon mula sa mga transaksyon katulad ng pagbubukas ng bagong ruta o prangkisa.

Inilantad din niya na ang bribe money mula sa mga operator ay umaabot ng hanggang P5 milyon para makakuha ng ruta, prangkisa, special permit o board resolutions.

Ani Tumbado, hinihingan ng 50% na downpayment ang mga operator, at ang balanse ay ibibigay kapag naibigay na ang “request.”

Dagdag pa rito, sinabi rin niya na bawat LTFRB regional director umano ay obligadong magbigay ng monthly quota na P2 milyon, kung kaya’t ang monthly collection ay umaabot ng P30 milyon.

Ipinag-utos na ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos Jr. nitong Lunes ang pagsususpinde kay LTFRB chairman Guadiz dahil sa ulat ng korapsyon sa ilalim ng liderato nito.

Dahil dito, nanawagan na si Senator Grace Poe, chairperson ng Senate public services committee, sa Department of Transportation na ipatigil na muna ang implementasyon ng Public Utility Vehicle Modernization Program (PUVMP). RNT/JGC

Previous articleAfghanistan nilindol na naman!
Next articleLotlot, may pahayag sa pagiging anak ni Nora!