MANILA, Philippines – Hindi na kailangang itaas pa sa alert level 2 ang status ng Taal Volcano sa Batangas kasunod ng pagtaas ng sulfur dioxide gas emissions, sinabi ng Philippine Institute of Volcanology and Seismology (Phivolcs) nitong Biyernes.
Sinabi ng pinuno ng ahensya na si Dr. Teresito Bacolcol, na nakapagtala sila ng 11,499 tonelada bawat araw ng sulfur dioxide emissions noong Huwebes, ang pinakamataas sa taong ito.
Hindi ito inaasahang magreresulta sa volcanic smog o vog, ani Bacolcol, dahil ang mga gas ay nawawala kapag may malakas na hangin o ulan.
“Hindi po ito indikasyon na kailangan na nating itaas ang iyong alert level from 1 to Alert Level 2. May iba pa tayong mga parameter na tinitingnan bago natin itaas ito sa Alert Level 2 – isa na rito ang tumaas na seismicity at nakikita nga natin kahapon , 5 a.m. kahapon to 5 a.m. kanina, apat na volcanic earthquakes lamang. Ang isa pa ay ang bulkan na napalaki bukod sa iba pa. Pero sa ngayon po, ang nakikita natin ay long-term deflation,” paliwanag ni Bacolcol sa televised briefing.
Ang pagtaas ng gas emissions ay hindi rin nangangahulugan ng nalalapit na pagsabog, aniya.
Sakaling magbunga ang gas emissions sa vog, pinayuhan ng Phivolcs ang publiko na magsuot ng face mask.
“Uminom ng maraming tubig para ma-dilute iyong sulfur dioxide. Kung malala na talaga lalo na sa mga may health conditions like asthma, lung disease and other respiratory problems, kailangan nilang magkonsulta sa mga medical doctors,” dagdag pa ni Bacolcol. Santi Celario