Home NATIONWIDE Alert list orders inilabas laban kay Teves

Alert list orders inilabas laban kay Teves

MANILA, Philippines – Nagpalabas ang Bureau of Immigration (BI) ng dalawang alert list orders laban aa pinatalsik na kongresista na si Arnolfo Teves Jr.

Sa isang kalatas sinabi ng Department of Justice (DOJ) na nakasaad sa dalawang kautusan na inaatasan ang lahat ng immigration officers na agad iulat sa Philippine National Police o sa National Bureau of Investigation ang anumang impormasyon ng posibleng pagpasok o paglabas ng bansa ni Teves.

Iginiit ni Justice Secretary Jesus Crispin Remulla na hindi na makakatakas sa bansa si Teves.

Tiniyak ng DOJ na kahit sino ay dapat managot sa batas anuman ang posisyon nito sa pamahalaan.

Inilabas ang dalawang kautusan batay sa warrant of arrest na inilabas noong Sept. 5, 2023 at ang Interpol Blue Notice na isinapubliko nitong February 19.

Ang blue notice ay inilalabas upang makakuha ng dagdag impormasyon sa identity, lokasyon at aktibidad ng indibidual na sangkot sa criminal investigation.

Ang warrant of arrest naman ay inisyu ng Manila Regional Trial Court (RTC) kaugnay sa pagpaslang kay dating Negros Oriental Gov. Roel Degamo at siyam na iba pa.

Nitong February 8, iniutos rin ng Manila RTC sa Department of Foreign Affairs na ikansela ang pasaporte ni Teves matapos siyang ituring na terorista ng Anti-Terrorism Council (ATC).

Bunsod ito ng pagiging lider ni Teves ng armadong grupo na siyang nasa likod ng sunod sunod na pagpatay at harassments sa Negros Oriental. Teresa Tavares

Previous articleUsok mula sa forest fire sa Baguio ibinabala ng DOH sa publiko
Next articleChairman Clarin todo ang suporta sa laban ni Ancajas kontra Inoue