Home NATIONWIDE Alice Guo ikukulong muna bago patalsikin pabalik ng China – Hontiveros

Alice Guo ikukulong muna bago patalsikin pabalik ng China – Hontiveros

MANILA, Philippines-Sakaling mahatulan sa kasong human trafficking at falsification of public documents, makukulong at pagsisilbihan muna ito ni suspended Banbam Mayor Alice Guo bago patalsikin pabalik ng China.

Inihayag ito ni Senador Risa Hontiveros matapos mapatunayan ng National Bureau of Investigation (NBI) na peke ang ilang dokumento nito sa pagkakakilanlan na ninakaw lamang sa ibang lehitimong tao.

“Kahit magkaroon ng penalty of deportation sa kanya, kapag na-convict siya in any of those cases, she will first have to serve her sentence here in the Philippines,” ayon kay Hontiveros sa press conference, gamit ang ilang opinion ng Department of Justice.

“Kumabaga hindi lang free pass na made-deport at dun na lang niya harapin ‘yung consequences sa kung saan siya ide-deport, but she will have to face the consequences kapag mapatunayan ng mga korte natin na nilabag niya ang mga batas ng ating republika,” dagdag niya.

Nahaharap si Guo kasama ang ilang indibidwal sa kasong human trafficking, na pawang non-bailable offense.

Bukod dito, naghahanda ang Office of the Solicitor General (OSG) sa pagsasampa ng quo warranto case laban kay Guo sa lalong madaling panahon na magreresulta sa pagpapatanggal sa kanyang posisyon.

“The cancellation of Guo’s birth certificate was the “gravest offense” the mayor could face,” giit ni Hontiveros.

Inendorso ng Philippine Statistics Authority (PSA) sa OSG ang kanselasyon ng birth certificate ni Guo.

Nahaharap din sa mas mabigat na kaso si Guo sakaling mapatunayan na ninakaw nito ang kanyang pagkakakilanlan sa isang babaeng Filipino na ginamit upang kumandidato.

“In effect, kung ang kaso na hinaharap natin ay isang Chinese national who posed as a Filipino para makuha ang isang elective office, at kasabay pa yan nag-identity theft ng isang Pilipina para mabigyan ng cover ang mga POGO sa kanilang iba’t ibang criminal activities, so mabibigat na usapin yan,” aniya.

“Whatever be the outcome of any of these charges and actual cases, kung ma-convict siya, she will have to serve time here in the Philippines,” giit ni Hontiveros.

Noong nakaraang linggo, inilantad ni Hontiveros ang ilang dokumento mula sa National Bureau of Investigation na nagpapakita ng dalawang Alice Leal Guos na kapwa ipinanganak noong July 12, 1986, at magkatulad ang spelling ng kanilang apelyido.

Idineklara ng dalawang Guo ang Tarlac bilang birth place nila kaya napilitan si Hontiveros na kuwestiyunin ang kaso ng stolen identity.

Kinabukasan, kinumpirma din ng NBI na magkatulad ang fingerprint ni Mayor Guo at isang Chinese passport holder na si Guo Hua Ping sa pagsasabing: “affixed by one and the same person.”

Si Senador Sherwin Gatchalian ang unang kumuwestiyon kay Alice Guo at Guo Hua Ping na pawang iisang tao base sa dokumento mula sa the Board of Investments (BOI) at Bureau of Immigration.

Inilantad ni Gatchalian ang records mula sa BOI na nagsasabing kumukuha ng Special Investors Resident Visa (SIRV) ang pamilya nito. Natuklasan sa dokumento na pumasok sa Pilipinas ang isang Guo Hua Ping noong January 12, 2003. Ernie Reyes