Home NATIONWIDE Alituntunin para sa NegOr special polls inilabas ng Comelec

Alituntunin para sa NegOr special polls inilabas ng Comelec

MANILA, Philippines- Maituturing nang kandidato kapag nakapaghain na ng Certificate of Candidacy (COC) ang aspirants para sa special election sa Negros Oriental tulad din sa katatapos lamang na Barangay at Sangguniang Kabataang Elections.

Ikinasa  ang special election sa nasabing probinsya upang punan ang nabakanteng pwesto ng napatalsik na si dating Negros Oriental 3rd District Rep. Arnolfo Teves Jr.

Ayon kay Comelec Chairman George Garcia, manual ang gagawing December 9 special elections.

Aniya, ina-apply ng poll body ang Section 80 ng Omnibus Election Code kung saan ikinokonsidera nang kandidato kapag nakapaghain na ng COC.

“Bawal ‘yung mga fiesta atmosphere, bawal ‘yung mga parang may festival, bawal ‘yung may napakadaming tao kapag magfi-file ng COC,” ani Garcia.

Dagdag pa ni Garcia, bawal din muna ang mangampanya hangga’t wala pa ang campaign period.

Nakatakda ang campaign period sa huling linggo ng Nobyembre, habang ang paghahain ng COC ay mula Nobyembre 6 hanggang 11.

Hindi na rin palalawigin ang COC filing matapos ang unang pagpapalawig mula sa original na deadline na Nobyembre 8 upang bigyan pagkakataon ang aspirants.

Samantala, tumanggi si Garciana sagutin kung maaaring tumakbo si Teves o ang biyuda ni Degamo na si Pamplona Mayor Janice Degamo.

Aniya, ang Comelec ay nakatali sa kanyang ministeryal na tungkulin na tanggapin ang COC ng sinuman.

“Kahit sino po ang mag-file ng COC, qualified man siya o hindi, of age o hindi, citizen o hindi, registered voter o hindi, ang Comelec will always accept the Certificates of Candidacy,” wika ni Garcia.

Gayunman, bukas ang Comelec sa anumang petisyon para sa diskwalipikasyon o pagkansela ng kandidatura. Jocelyn Tabangcura-Domenden

Previous articleKaligtasan ng mga OFW, prayoridad ni PBBM sa pag-igting ng Israel- Hamas conflict
Next articlePH, Japan kapwa makikinabang sa military accord – Zubiri