NEGROS ORIENTAL- PINAGTATAGA hanggang sa mamatay ang isang ama ng sarili nitong anak na lasenggo matapos umanong sermunan ng una ang huli noong Miyerkules sa bayan ng San Jose.
Kinilala ang biktimang si Jesus Gadiana Sr, 78, habang nadakip naman ang suspek at anak nitong si Jesus Gadiana Jr., 40, kapwa residente ng Brgy. Sra. Ascion, San Jose, Negros Oriental.
Batay sa report ng San Jose Police Station, bandang 3:00 PM ng maganap ang krimen sa loob ng bahay ng mag-ama sa nasabing lugar.
Lumabas sa imbestigasyon ng pulisya, umuwing lasing sa kanilang bahay ang suspek dahilan para pagsabihan ito ng ama na ikinagalit ng suspek.
Dito, kumuha ng itak ang suspek at pinagtataga ang ama sa iba’t ibang parte ng katawan na naging sanhi ng agaran nitong kamatayan .
Mabilis naman tumakas ang suspek subalit kalaunan ay nadakip rin ng mga rumespondeng pulis.
Nahaharap ngayon sa kasong parricide ang suspek. Mary Anne Sapico