Bulacan – Patay ang 52 anyos na mister na umano’y ginilitan sa leeg at pinagsasaksak ng binatang mangingisdang nakaalitan niya tungkol sa droga sa San Jose Del Monte (SJDM).
Kinilala ang biktimang si Rolando Alfaro, jobless, habang ang suspek ay si Roger Guantic Binigay, 23, fisherman Navotas fishport kapwa residente ng Brgy. Gaya-gaya.
Sa report na ipinarating ni SJDM Acting chief of police P/Lt.Col. Ronaldo Lumactod Jr, kay Bulacan Police director P/Col. Relly Arnedo, nangyari ang karumal-dumal na krimen bandang 5:40 ng hapon nitong Mayo 23 sa Brgy. Towerville 6, Brgy. Gaya-gaya.
Ayon sa imbestigasyon at kuha ng CCTV, nakatambay at may hinihintay sa gilid ng kalsada ang biktima nang biglang dumating ang suspek at walang kaabog-abog na dinamba at nilaslas ang kanyang leeg.
Sa kuha pa ng CCTV, nakitang nanlaban pa ang biktima subalit nanaig ang lakas ng suspek na kumubabaw at patuloy na sumasaksak sa kanyang lupaypay na katawan.
Mula sa mahigit isang minutong pagkubabaw sa biktima ay tumayo ang suspek na naglakad lamang palayo sa hindi malamang direksyon na parang walang nangyari.
Ipinagbigay alam ng ilang kapitbahay sa mga awtoridad ang nangyari na agad rumesponde sa lugar hanggang sa tumambad sa kanila ang biktimang nakasubsob, naliligo sa sariling dugo at walang nang buhay.
Dahil dito, agad humingi ng tulong ang pulisya sa SOCO para mai-proseso, kumalap ng CCTV footage at nagkasa ng manhunt at follow up operation kaya nahuli kalaunan ang suspek.
Nabawi ng pulisya ang damit ng suspek na umanoy may mga mantsa pa ng dugo at ang kutsilyong ginamit sa krimen.
Nabatid sa report na ang biktima at ang suspek ay una nang nagtalo tungkol sa iligal na droga bago nangyari ang karumal-dumal na krimen.
Nahaharap ang suspek sa kasong murder habang nakakulong sa nasabing istasyon. Dick Mirasol III