Home METRO Amazonang NPA leader patay sa engkwentro

Amazonang NPA leader patay sa engkwentro

ILIGAN CITY – Napatay ang sinasabing Amazona at lider ng Western Mindanao Regional Party Committee (WMRPC) ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front sa engkwentro sa militar sa Barangay Malagalad, Dumingag, Zamboanga del Sur nitong Martes, Pebrero 27.

Sinabi ng 102nd Infantry (Igsoon) Brigade sa ilalim ng 1st Infantry (Tabak) Division na si Aprecia Rosete, alyas Bambam, mula sa Davao region, ay tinaguriang mastermind sa likod ng extortion, murder, at sabotage activities sa Zamboanga Peninsula.

Si Rosete ay may 30 warrant of arrest laban sa kanya sa oras ng kanyang kamatayan.

Narekober sa encounter site ang isang AK47 na may dalawang magazine, isang caliber .45 pistol na may isang magazine, at mga personal na gamit.

Tiniyak ni Lt. Col. Terrence Ylanan, commanding officer ng 53rd Infantry Battalion at commander ng Task Unit Terminator, ang tulong para sa paglilibing kay Rosete at paghahanap ng kanyang pamilya sa Agusan del Sur.

“Ang matagumpay na neutralisasyon na ito ay binibigyang-diin ang ating hindi natitinag na pangako sa pangangalaga sa kaligtasan at seguridad ng ating mga komunidad. Sisiguraduhin natin na ang mga labi ni Aprecia ay hahawakan nang may paggalang at ibabalik sa kanyang pamilya,” ani Ylanan. Santi Celario

Previous articleAbogada hinigop ng bukal, patay
Next article8-anyos bangkay nang natagpuan sa sagingan