Home NATIONWIDE Amnesty ni PBBM malugod na tinanggap ng MILF

Amnesty ni PBBM malugod na tinanggap ng MILF

MANILA, Philippines – Malugod na tinanggap ng Moro Islamic Liberation Front (MILF) ang anunsyong amnestiya ni Pangulong Ferdinand Marcos Jr. sa grupo at tatlo iba pang rebeldeng grupo, sinabi ng Presidential Communications Office (PCO) nitong Linggo, Nobyembre 26.

Ayon sa PCO, sinabi na malugod na tinanggap ni MILF Chairman Al Haj Murad Ebrahim ang paglalabas ng Proclamation No. 405 na malakas na “signal” umano ng pamahalaan sa pangako nito na maisulong ang peace process sa MILF.

“As a party to the peace pact with the GPH (government of the Philippines), our priority is to ensure that the agreements in the CAB (Comprehensive Agreement on the Bangsamoro) are mutually honored, substantially implemented, and timely completed,” ani Ebrahim.

Ayon sa PCO, iginiit ni Ebrahim na ang lahat ng components ng Normalization “must progress in parallel and commensurate with each other.”

Sa Annex on Normalization sa ilalim ng CAB, nagbibigay ng commitment para sa pamahalaan ng Pilipinas na ipasok ang mga mekanismo ng amnestiya, pardon, at iba pang proseso para sa resolusyon ng mga kaso ng “persons charged with” o na-convict dahil sa krimen at iba pang paglabag na may kinalaman sa armed conflict sa Mindanao.

Maliban sa MILF, ginawaran din ng amnestiya ni Marcos ang mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF), Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), at Moro National Liberation Front (MNLF).

Ang amnestiya ay ibinigay “to encourage them (rebels) to return to the folds of law,” ayon sa PCO.

Nagpahayag din ng “genuine gratitude” kay Marcos ang Bangsamoro government noong Sabado dahil sa paggawad ng amnestiya sa mga miyembro ng MILF at MNLF.

“The Bangsamoro Government and the Bangsamoro People express genuine gratitude to the Government of the Philippines for showing unwavering commitment to the Bangsamoro Peace Process and all signed peace agreements with the advancement of these Amnesty Proclamation,” sinabi ni Atty. Naguib Sinarimbo, spokesperson ng Bangsamoro Government Minister. RNT/JGC

Previous articleCargo ship sa Greece, lumubog!
Next articleKumander ng Hamas, 4 iba pang senior leader napatay sa opensiba ng Israel