Home NATIONWIDE Amnesty sa 11 kasapi ng CPP-NPA na kinasuhan sa pananambang sa mga...

Amnesty sa 11 kasapi ng CPP-NPA na kinasuhan sa pananambang sa mga sundalo, malabo na

MANILA, Philippines- Hindi saklaw ng amnestiya ang 11 miyembro ng Communist Party of the Philippines – New Peoples’ Army (CPP-NPA) na kinasuhan sa korte dahil sa pag-ambush sa grupo ng mga sundalo sa Occidental Mindoro.

Nilinaw ni Department of Justice (DOJ) Spokesperson Assistant Secretary Mico Clavano na hindi naaangkop sa mga nakasuhan ang amnestiya na inaalok ng pamahalaan para sa mga rebelde.

Aniya, ang maaring gawin na lamang ng mga ito ay ang mag-avail ng plea bargaining para mapababa ang kanilang sentensya.

Nilinaw ni Clavano na maaari namang dumulog para mapagkalooban ng executive clemency ang mga akusado sa sandaling masentensyahan na sila ng korte.

Magugunita na kinasuhan ng paglabag sa
Anti Terrorism Act of 2022 ng Department of Justice (DOJ) ang labing-isang (11) kasapi ng Communist Party of the Philippines – New Peoples’ Army (CPP-NPA) na nanambang sa mga sundalo sa Occidental Mindoro.

Batay sa resolusyon ng DOJ, may probable cause upang litisin sa kasong terorismo sina Jovito Marquez, Antonio Baculo, Sonny Rogelio, Veginia Terrobias, Lena Gumpad, Job Abednego David, Jessie M. Almoguera, Reina Grace, Bethro Erardo Zapra Jr., Daisylyn Castillo Malucon, at Yvaan Copuz Zuniga.

Sa imbestigasyon ng DOJ, sinadya ng mga suspek ang pagpatay sa mga sundalo gamit ang mga matataas na kalibre ng armas at pampasabog nang tambangan ng mga sundalo sa Barangay Malisbong Sablayan Occidental Mindoro noong Mayo 30, 2023.

Walang inirekomendang piyansa ang DOJ para sa pansamantalang kalayaan ng mga akusado habang nililitis ng husgado ang kanilang mga kaso. Teresa Tavares

Previous articleMga jeep na ‘di nakiisa sa PUV consolidation ‘kolorum’ na simula sa Pebrero
Next article2 kalaboso sa P7.9M shabu!