Home HOME BANNER STORY Amnesty sa CPP-NPA-NDF ibinigay sa tamang panahon – AFP

Amnesty sa CPP-NPA-NDF ibinigay sa tamang panahon – AFP

MANILA, Philippines – Naniniwala ang Armed Forces of the Philippines (AFP) na ito ang tamang panahon para kay Pangulong Ferdinand Marcos Jr. na gawaran ng amnestiya ang mga dating miyembro ng Communist Party of the Philippines-New People’s Army-National Democratic Front (CPP-NPA-NDF).

Sa panayam ng DZBB nitong Linggo, Nobyembre 26, sinabi ni AFP spokesperson Colonel Medel Aguilar na ang CPP-NPA-NDF ay mayroon na lamang mahigit 1,000 miyembro at 400 sa mga ito ang nahaharap sa mga kaso.

Dagdag ni Aguilar, makatutulong sa bansa na maabot ang kapayapaan kung ang mga rebeldeng ito ay kukuha ng amnesty.

“Sa CPP-NPA-NDF, ngayon lang ito nagkaroon uli ng declaration. Kasi ‘yung naunang declaration noong panahon ni Presidente [Rodrigo] Duterte, hindi nag-concur ang Congress kaya hindi ito napatupad. Ngayon sa panahon ng ating Pangulo, naglagay uli siya ng declaration ng amnesty para sa CPP-NPA-NDF kasi ito ay nasa tamang panahon, at the same time nakikita ang paghina ng CPP-NPA,” paliwanag ni Aguilar.

Maliban sa CPP-NPA-NDF, ginawaran din ni Marcos ng amnestiya ang mga dating miyembro ng Rebolusyonaryong Partido ng Manggagawa ng Pilipinas/Revolutionary Proletarian Army/Alex Boncayao Brigade (RPMP-RPA-ABB), Moro Islamic Liberation Front (MILF), at Moro National Liberation Front (MNLF).

Sa kabila ng amnestiya, nilinaw ni Defense Secretary Gilberto Teodoro Jr. na nananatiling alerto ang pamahalaan laban sa terorismo at extremism.

“Because as you know, worldwide, the reiterations, the modifications, the number of extremist potential is still there. We cannot take it lightly,” ani Teodoro. RNT/JGC

Previous articleChinese fighter jets nagpaikot-ikot, nagmatyag sa PH-Australia joint patrol
Next articleCargo ship sa Greece, lumubog!