Home NATIONWIDE Amyenda sa economic provisions sa Saligang Batas magpapabago sa ekonomiya ng Pilipinas...

Amyenda sa economic provisions sa Saligang Batas magpapabago sa ekonomiya ng Pilipinas – expert

MANILA, Philippines – Napapanahon na ang pagkakaroon pagbabago sa 1987 Constitution upang mapabuti ang klima ng pamumuhunan sa bansa, ayon kay National Scientist Raul Fabella, isang Professor ng University of the Philippines School of Economics.

Ang pahayag ay ginawa ni Fabella sa isang sa forum sa Kamara na “PH Investment Rate: Why are we far behind? How do we rebound?”

Ang nasabing forum ay inorganisa ng House of Representatives Congressional Policy and Budget Research Department (CPBRD) na pinamumunuan ni Deputy Secretary General Dr. Romulo Emmanuel Miral Jr. kasama si Markina City Rep. Stella Quimbo, senior vice chairperson ng House Committee on Appropriations.

Sa kanyang presentasyon, ipinakita ni Professor Fabella ang nakakabahalang katotohanan ng investment rate ng Pilipinas, na nasa pinakamababa kumpara sa mga bansa sa ASEAN, na nasa 22.4 porsyento.

Kabilang na ang mga bansa tulad ng Thailand, Indonesia, at Vietnam na may mas mataas na investment rate, habang ang investment rate ng China ay umabot sa pagitan ng 34-50 porsyento sa mga nakaraang taon.

“All economic progress boils down to investment. Countries that invest less will over time eat the dust of countries that invest more,” paliwanag ni Fabella.

Una na ring kinilala ni Pangulong Ferdinand “Bongbong” Marcos, Jr. at ng mga ekonomista ng pamahalaan ang higit na pangangailangan ng pagbabago sa mga limitadong probisyon sa ekonomiya ng 1987 Constitution bilang pangunahing hakbang na iangat ang bansa mula sa ibabang position sa larangan ng pagpasok ng pamumuhunan.

Layunin ng mga pagbabagong ito na paluwagin ang mahahalagang sektor at mas maraming foreign direct investments (FDIs).

Binigyang-diin ni Prof. Fabella ang mga hamong kinakaharap ng ekonomiya ng Pilipinas, kabilang na ang mataas na gastusin sa kuryente, bureaucratic inefficiency, katiwalian, at kakulangan sa mga imprastruktura.

Aniya, sa tatlong taon matapos ipatupad CREATE 2 tax law, na layuning palakasin ang pamumuhunan, ay hirap pa ring umabot sa 25 porsiyento ang investment rate ng bansa.

Sinabi pa ni Fabella na ang tungkulin ng kasalukuyan at susunod na administrasyon, ay “maibalik ang bansa sa kompetisyon ng investment.

Makikita rin ang anti-investment ecology ng bansa sa pananatili ng mataas na presyo ng kuryente, aniya, ang Pilipinas ang may pinakamataas na halaga ng kuryente sa ASEAN.

Gayundin ang umiiral na burukrasya at katiwalian kung saan ang mga investor ay kailangang dumaan sa 172 lagda at pagkaantala ng pagpaparehistro ng kanilang mga kumpanya.

Napag-iiwanan din ang mga imprastruktura sa Pilipinas kumpara sa mga bansa sa ASEAN.

Bilang tugon sa mga problemang ito, iminumungkahi ni Fabella ang ilang mga hakbang, tulad ng pagbaba ng presyo sa kuryente, pagsusulong ng mga pamumuhunan sa agrikultura sa pamamagitan ng pag-aayos ng mga limitasyon sa pag-aari ng lupa, at pagtutok ng mga estratehiyang pinansyal sa pagpapalakas ng mga maliit na sakahan.

Isa sa mahalagang hakbang sa pagpabuti ng investment climate aniya, ay sa pamamagitan ng pagtatanggal ng mga limitasyon sa dayuhang pagmamay-ari sa mga business enterprise, na kabilang sa isinasaad sa Section 11 ng Article 12 ng 1987 Constitution.

Hinimok ni Professor Fabella ang lahat ng stakeholders, kabilang na business community, civil society, at ang publiko, na suportahan ang mga hakbang na naglalayong baguhin ang sistema sa Saligang Batas. Gail Mendoza

Previous articleDA namahagi ng tulong sa mga magsasaka sa Caraga na apektado ng baha
Next article8 drug den sa Central Visayas, binuwag ng PDEA