MANILA, Philippines- Tinanggalan ng tungkulin ng Kamara si An Waray Representative Florencio “Bem” Noel nitong Miyerkules, matapos ipawalang-bisa ng Commission on Elections (Comelec) ang credential ng party-list group.
“I move that the secretary general be directed to execute and implement the resolution and accordingly, drop the An Waray Party-List Representative from the roll of members of the 19th Congress,” mungkahi ni Deputy Majority Leader Janette Garin.
Kasunod ito ng pagbalewala ng Supreme Court sa hirit ng An Waray na mag-isyu ng utos na haharang sa Comelec decision.
Si Noel ang ika-limang kongresistang tinanggalan ng tungkulin sa sa kapulungan ngayong taon kasunod nina Rex Gatchalian ng Valenzuela 1st District (itinalagang social welfare secretary), Nicolas Enciso VIII ng Bicol Saro (pinatalsik mula sa kanyang party-list group), Jeffrey Soriano ng ACT-CIS (nagbitiw sa pwesto), at Arnie Teves ng Negros Oriental 3rd District (sinibak ng Kamara dahil sa ethics case).
Pinarusahan ng Comelec ang An Waray sa paglabag sa party-list law.
Sampung taon na ang nakalilipas, pinayagan ng grupo ang second nominee nito na maging kinatawan kahit wala itong certificate of proclamation mula sa poll body.
Noong June 2013, naglabas ang National Board of Canvassers (NBOC) ng certificate of proclamation para sa first nominee na si Bem Noel, at noong Hulyo, nangakong ino-“note” ang kanyang hiling na maglabas ng panibagong certificate of proclamation para sa kanyang kapatid na si second nominee Victoria Noel.
Nanumpa si Victoria Noel sa parehong buwan subalit noong Agosto, lumabas sa panibagong NBOC resolution na isang pwesto lamang ang nakalaan para sa An Waray.
Noong May 2019, naghain ng petisyon na naglalayong kanselahin ang rehistrasyon ng An Waray, batay sa insidente noong 2013. Nakasaad dito na lumabag ang An Waray sa party-list law dahil hindi ito nakasunod sa election rules.
Pinaboran ng Comelec ang petisyon at sinabing ang panunungkulan ni Victoria Noel sa Kamara ay malinaw na paglabag sa party-list rules. RNT/SA