Home METRO Anak patay, ama sugatan sa holdaper

Anak patay, ama sugatan sa holdaper

MAMASAPANO, Maguindanao- PATAY ang isang babae habang sugatan ang kanyang ama matapos silang barilin ng mga holdaper habang ang mga una ay nag-deliver ng paninda nilang native na kape, noong Miyerkules sa bayang ito.

Kinilala ang nasawi na si Janine Hinay, 28-anyos, habang sugatan ang kanyang ama na si Dionisio Hinay, 56, at kapwa residente ng Monteville, Barangay EJC Montilla, Tacurong City.

Batay sa report ng Mamasapano PNP, naganap ang krimen sa national highway na sakop ng Brgy. Libutan, Mamasapano, Maguindanao del Sur.

Sa imbestigasyon ng pulisya, sakay ang mag-ama ng payung-payong para ilako ang kanilang mga panindang native na kape.

Habang binabaybay ang kahabaan ng Brgy. Pagatin, Datu Salibo, bigla na lamang silang hinarang ng mga suspek at nagpanggap na bibili ng kape saka nagdeklara ang mga ito ng holdap at tinangay ang bag ng mag-ama na naglalaman ng P30,000.00.

Nagawa pang habulin ng mag-ama ang mga suspek subalit pagdating sa nabanggit na lugar ay pinagbabaril ang mga ito at mabilis na tumakas.

Agad naman dinala sa ospital ng mag-ama subalit idineklara na rin patay ang anak sanhi ng mga tama ng bala ng baril sa katawan.

Nagpapatuloy naman ang ginawang pagtugis ng mga awtoridad laban sa mga suspek. Mary Anne Sapico

Previous articleLola, huli sa pagtutulak ng droga
Next articleMas maraming staff ng PHI-NADO vs anti-hoping code, aprub kay PBBM