
BUMABA na sa ‘normal operating level’ ang tubig sa Angat Dam na 180 meters. Hindi naman ibig sabihin nito na wala nang tubig para sa mga taga-Metro Manila. Pero kailangang magbawas ng alokasyon ng tubig para sa irigasyon at para sa gagamitin ng Manila Water at Maynilad Water na kanila namang ipapamahagi sa kanilang residential customers.
Ayon sa PAG-ASA at National Water Resources Board, epekto na ito ng El Nino o ang pag-init ng mga karagatan kaya medyo mas mahaba o malala ang tagtuyot sa kalupaan.
Kahit na nitong mga nakalipas na araw ay nag-uulan hindi pa rin daw sapat ang supply ng tubig natin. Sabi ng mga eksperto kailangang apat o hanggang limang bagyo para tumaas ang level ng tubig sa Angat Dam, sa gayon ay maging maayos at sapat ang alokasyon ng tubig sa Kamaynilaan.
Malinaw ang posibleng mga maging epekto ng tagtuyot. Ira-rasyon ang tubig kaya baka pila-balde ang marami nating mga mahihirap na kababayan, lalo na sa mga lugar sa Metro Manila na hindi maayos ang mga koneksyon ng tubig.
Sa kabilang banda naman, pwedeng maantala ang panahon ng taniman at anihan ng mga magsasaka dahil nga hahaba ang tagtuyot. Bukod pa sa kabawasan ng mga lupang kailangan ang irigasyon, o baka dumami ang magsasakang hindi na nga magtatanim dahil baka malugi lang sila.
Ngayong 2023, mukha namang hindi lulubha ang El Niño. Sa totoo ay ‘mild’ na kategorya ang El Nino na nakikita ng PAGASA sa mga susunod na buwan. Pero ibang usapan na ‘pag tumagal ito hanggang sa gitna nang 2024. At kapag umabot tayo sa antas ng ‘severe El Nino’, baka kailangang magpatupad ang gobyerno ng mga panuntunan para sa wastong pag-distribute ng kakaunting tubig.
Maraming pwedeng gawin ang mga negosyo at korporasyon, pangunahin na ang paghinto o pagbawas sa mga gawain na matakaw sa tubig tulad ng golf, swimming pools at mga carwash. Kailangang palawakin din ang pag-recycle ng tubig para sa negosyo at recreation facilities.
Ganundin naman, malaki ang pwedeng ambag ng ordinaryong tao, tulad nang pagtitipid sa personal na kalinisan.
Kailangan din nating pahalagahan ang mga gubat at watersheds natin, para hindi maubos ang pinagkukunan ng tubig.