Home OPINION ANG BLOG NI PBBM

ANG BLOG NI PBBM

IBINAHAGI ni Presidential Communications Office head Secretary Cheloy Velicaria-Garafil nitong Sabado ang ‘blog’ ni Pangulong Bongbong Marcos, na nagbabalita mismo na wala ng nalalabing  guerrilla front ang New People’s Army sa bansa mula pa noong Disyembre 2023.

Sabi ng Pangulo, ito raw ay bunga nang pagsisikap ng pamahalaan na tapusin o  ‘di man ay mabawasan ang bilang mga komunistang-teroristang rebelde upang mabigyang daan ang kapayapaan at kaunlaran sa mga kanayunan.

“Mapag-uusapan din natin ‘yung mga internal security threat ‘ika nga. Ang mga kasama rito ay ang ating mga pulis, ang ating mga sundalo, ang Department of National Defense,” ang pahayag ni Pangulong Marcos sa kanyang video message na ibinahagi sa kanyang social media.

“Last year, nakapag-neutralize tayo ng 1,399 members of communist and local terrorist groups. Nakakuha tayo ng 1,751 na firearms mula sa mga naaresto at mga sumuko. Ngayon, maaari na nating maireport na wala ng active NPA guerrilla front as of December of 2023,” ang paglalahad pa ni PBBM.

Ang pagtatagumpay na ito ay pagpapakita nang kagustuhan ng pamahalaan sa katatagan at kapayapaan, ayon kay Pangulong Marcos, na pinasalamatan din ang lahat ng kasama sa Armed Forces of the Philippines at Philippine National Police.

Itong mga pagsisikap ng magkasanib na sangay ng AFP, PNP at Department of National Defense at ng iba pang ‘government intelligence agencies’ ang umani ng pasasalamat ng Pangulo.

“Sa tulong ng ating AFP, PNP, at intelligence agencies, patuloy lamang ang ating kampanya laban sa terorismo sa loob ng Pilipinas,” sabi ni PBBM.

Kasabay din nito noong isang linggo ang pamimigay ng Marcos administration ng kabuuang P91.47 milyon sa mga dating rebeldeng nagsisuko na at sumailalim sa Enhanced Comprehensive Local Integration Program package na pinamamahalaan ng Department of the Interior and Local Government.

Ang programang ito ang naghihikayat sa mga CPP-NPA-NDF na magbalik-loob lamang sa pamahalaan ay matutumbasan pa ng financial assistance para sa muli nilang pagsisimula ng kabuhayan para mapabilang uli sa tamang lipunan.

Sa ulat nga ng DILG, mayroon na raw 1,119 mga dating rebelde kabilang na rito ang 821 NPA fighters at 298 miyembro ng Militia ng Bayan (ang nakinabang na sa nasabing sa  E-CLIP package.

Saan ka pa? Dati ka nang nakapanggulo, eh nabiyayaan ka pa ng kabuhayan package kapag inihinto mo na ang maling nagawa sa bayan.

Previous articleANG MGA NAG-UUDYOK SA CHA-CHA
Next article‘MAKE AN OFFER’ NG TNVS