Home OPINION ANG MAGING LOLO AT LOLA SA PILIPINAS, PART 2

ANG MAGING LOLO AT LOLA SA PILIPINAS, PART 2

TINALAKAY natin noong ika-14 ng Oktubre ang kultural, sosyal at ekonomikal na kalagayan ng tinatayang 9.22 million na senior citizens sa ating bansa, at nakita natin ang kagyat na pa­­ngangailangan para sa pagkilos ng Kong­reso sa pagsasabatas ng anti-elderly abuse na matagal nang nakabinbin sa kanila. Sana ay mabigyan na ito ng sapat na atensyon.

Likas naman ang pagmamahal ng mga Filipino sa ating mga nakatatanda kaya hindi kataka-taka na isa tayo sa bansang may pinakamagandang batas na nagawa para sa sektor.
Alinsunod sa probisyon ng Saligang Batas ng 1987, ang Article XV, Section 4, na nagsasabing “Ang pamilya ay may tungkuling kalingain ang matatandang miyembro nito ngunit maaari ring ga­win ito ng Estado sa pamamagitan ng makatarungang mga pamamaraan ng kapanatagang panlipunan”, ay iniakda ng Kongreso ang mga sumusunod na batas na para sa kapakanan ng sektor ng mga nakatatanda:
R.A. No. 7432 noong 1992 – Pagkakaloob ng 20% na diskuwento sa pamasahe sa jeepneys, bus, barko, tren, LRTs at MRTs; sa mga serbisyo sa hotel, lodging establishment, restaurants at mga recreation center; at sa pagbili ng mga gamot.
– Pagkakaloob ng 20% na diskuwento sa admission fees sa mga sinehan, teatro, concert venues, carnivals, circu­ses, at iba pang lugar para sa pagsasa­ya, sining at mga pang-kulturang pag­tatang­hal o aktibidad.
– Pagkalibre (exemption) sa pagbabayad ng indibidwal na buwis.
– Pagkalibre sa pagbabayad ng trai­ning fees sa mga socio-economic prog­rams ng OSCA o ng Office of the Senior Citizens Affairs.
– Libreng medical and dental services sa mga pampublikong ospital at sentrong pangkalusugan ng mga lokal na pamahalaan.
– Sa mga nangangalaga sa mga nakatatanda, sila ay maaaring ibilang bi­lang “dependents” para makabawas sa indibidwal na buwis.
– Para naman sa mga indibidwal o non-governmental organization na nangangalaga sa mga nakatatanda sa ka­nilang institusyon, residential communities o retirement village ay mayroon silang limang taon na real tax ho­liday simula sa unang taon ng kanilang operasyon, at prioridad sa paglalagay o pagmimintina ng mga kalye o kalsada patungo sa mga lugar na kinalalagyan ng mga nakatatanda.
– Pagkakaroon ng OSCA na nasa ilalim ng Office of the Mayor.
Tandaan, hindi dapat maging utang na loob ng mga nakatatanda ang diskuwentong ibinibigay sa kanila ng mga establisimyento, ito ay naibabalik naman sa kanila sa pamamagitan ng tax credit ng Bureau of Internal Revenue (BIR).
Noong taong 2014 ay naging mai­ngay ang kaso sa pagitan ng kilalang abogado na si Atty. Romulo Macalintal, isang senior citizen, at isang kilalang hotel sa Pasay city, matapos na hindi kinilala ng establisyemento ang 20% discount dahil mayroon na umanong 50% ang membership card ng senior citizen lawyer.
Sa inilabas na opinion ng Department of Trade and Industry (DTI) base na rin sa kautusan ng Supreme Court ay sinabi nito na may karapatan si Atty. Macalintal sa 50% discount mula sa kanyang membership card at iba pa ito sa 20% discount na ibinibigay ng Estado dahil magkaiba ang nasabing mga discounts, hindi maaaring magamit ang “double discount” provision ng batas.

 

Previous articleRepatriation ng mga OFW sa Israel, ipinanawagan ng liderato ng Kamara
Next articleLABAN NG INANG NALINLANG NG NPA ANG ANAK