Home OPINION ANG PASAPORTE

ANG PASAPORTE

KUMULO ang dugo ko nang nakita kong litrato sa social media account ng isang malaking dyaryo noong nakaraang araw.

Umiiyak sa Ninoy Aquino International Airport departure area ang isang ginang dahil pinunit ng  asawa n’yang lasing ang kanyang pasaporte, boarding pass at sinira pa ang kanyang cellphone.

Agad naman inaresto ng mga pulis si Jonard Banate, 34, pagkatapos maganap ang insidente at tuluyan na ngang nagsampa ng reklamo si Myren Detari Onato, 31, na pa-byahe na sana sa Doha nong araw na iyon.

Gano’n talaga siguro kabigat ang naramdaman ni Myren sa ginawang pang-aabuso ng asawa n’ya sa kanya.   At hindi ito ang unang beses.  Binanggit ni Myren na binubugbog nga s’ya ng asawa n’ya tuwing malalasing ito dahil daw sa selos.  Ito nga lang daw bago mag-Bagong Taon ay sinaktan s’ya nito.

Kakasuhan si Jonard ng kasong paglabag sa RA 9262 or Anti Violence Against Women and Children Act or Anti-VAWC .   Sa akin lang, dapat kulong agad itong mokong na ito, at mabulok nga s’ya sa kulungan dahil sa wala s’yang kwentang asawa.   Isipin mo naman, nagpapakahirap ang asawa mo sa ibang bansa para maitaguyod ang pamilya n’yo, tapos ikaw wala ka na ngang trabaho, puro paglalasing at selos lang ang inatupag mo?  Sino ba naman ang hindi madidismaya sa buhay-pamilya mo?  At hindi lang papel ang sinira ni Jonard, kundi ang mga pangarap mismo ni Myren.

Para sa OFWs, ang pasaporte ay hindi lang simpleng dokumento para maka-byahe.  Ito ang tiket mo sa isang mas magandang buhay, mas malaking sahod at matiwasay na kinabukasan.   Dito nakasalalay ang magagandang pangarap mo para sa mga anak at kapamilya mo.   Ito ang pag-asa mo para sa mas maunlad at komportableng pamumuhay.

Krimen nga rin pala ang pagsira sa isang pasaporte, kaya dapat magabayan si Myren na kasuhan din sa paglabag sa RA 8239 o Philippine Passport Act of 1996.   Ang paninira nito ay pwedeng maparusahan ng  pagkakulong ng hindi bababa sa anim na taon at multang hindi bababa sa  P60,000.00.

Sa mga ganitong kwentong-buhay, minsan naiisip ko na dapat na rin pag-usapan kung kailangan na natin ng batas sa diborsyo rito sa Pilipinas.

Previous articleNCRPO CHIEF WALANG MASKARA
Next articleMAGALING NA EKONOMISTA SI RECTO